(Photo courtesy | Facebook/ City Information Office of Puerto Princesa)
PALAWAN, Philippines — Nakatanggap ng libu-libong cash grants ang nasa mahigit tatlundaang benepisyaryo ng lungsod ng Puerto Princesa na kaloob ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa tulong ng programa ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Ayon sa ulat ng City Information Office, ang bawat benepisyaryo ay nabigyan ng nagkakahalagang labinlimanlibong piso (₱15,000.00) bilang “livelihood assistance” na napapaloob sa Sustainable Livelihood Program – National Program Management Office o SLP-NPMO kagawaran na naglalayong mabigyan ng panimulang puhunan ang mga piling Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa lungsod.
“Inaasahan namin na sa programang ito, marami ang matutulungan na magkaroon ng magandang kabuhayan. Pandagdag puhunan lamang ito sa inyong ninanais na negosyo,” pahayag ni Florentino Y. Loyola Jr., DSWD Assistant Secretary for Specialized Programs.
Samantala, hinikayat naman ni Political Affairs Officer Monica Ann Mitra, kinatawan ni Sen. Allan Peter Cayetano, na ang ipinagkaloob na cash grants sa mga piling benepisyaryo ay magsisilbing puhunan na dapat ma-sustain upang patuloy na may mapagkikitaan.
“Itong ipinagkaloob sa inyo na livelihood assistance [kung sakaling] hindi man lumago [ay] dapat ma-sustain ninyo [upang] may [pagkakakitaan] para sa pamilya at kabuhayan,” pahayag ni Mitra.
Sa kaganapan, naroon din si City Social Welfare Development Officer (CSWDO) Lydia M. Del Rosario bilang kinatawan ni Punong Lungsod Lucilo R. Bayron bilang suporta sa programang ipinagkaloob para sa mga mahihirap na mamamayan ng lungsod.
Sa kabuuan, tatlundaan at tatlumpu’t apat (334) na benepisyaryo sa siyudad ang napagkalooban ng mahigit limang (5) milyong piso. (via Marie F. Fulgarinas)
#RepetekNews