Ni Marie F. Fulgarinas
PUERTO PRINCESA CITY – Inanunsyo ng Department of Tourism (DOT) Region 4B na dadagsa sa Mimaropa ang nasa tatlumpu’t pitong (37) cruise ships ngayong taong 2024 na tiyak na makatutulong sa paglago ng cruise tourism ng rehiyon.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng DOT Mimaropa, nasa dalawampu’t walong (28) pinagsamang cruise calls ang darating naman sa Palawan.
“Based on the recent schedule of cruise calls as of January 08, 2024, Palawan will welcome a combined number of 28 cruise calls in Puerto Princesa City, Coron, El Nido, and Balabac Islands,” saad ng ahensya.
Maliban sa Palawan, dadagsain din ng apat (4) na ‘scheduled cruise calls’ ang Apo Reef Natural Park at Lubang Island sa lalawigan ng Occidental Mindoro habang tatlong (3) cruise ships naman ang darating sa lalawigan ng Romblon. May dalawa (2) ring inaasahang cruise ships ang darating sa lalawigan ng Marinduque ngayong taon.
“Apo Reef Natural Park and Lubang Island in Occidental Mindoro have 4 scheduled cruise calls while the province of Romblon currently has 3. Marinduque has 2 cruise calls scheduled for 2024,” pahayag ng DOT Mimaropa.
Ayon pa sa ahensya, inaasahang nasa mahigit 40,000 passengers at crew ang darating sa MIMAROPA sa loob ng buong taon.
Matatandang dumaong sa pantalan ng bayan ng Coron, Palawan, at Lungsod ng Puerto Princesa nitong Enero 7 at 8 ang Nicko Cruises’ CMV Vasco da Gama-Nicko, kauna-unahang cruise ship ngayong 2024, lulan ang mahigit 1,000 passengers and crew. (Photo/DOT Mimaropa) | via Ven Marck Botin