PALAWAN, Philippines — AABOT sa dalawandaan at walumpu’t limang (285) mga benepisyaryo ng AKAP o “Ayuda para sa Kapos Ang kita Program” ang napagkalooban ng tulong pinansyal nitong Mayo 18, 2024, na ginanap sa Oisca Gymnasium sa Brgy. Sta. Monica, Lungsod ng Puerto Princesa.
Ang AKAP ay tulong pinansyal na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga Pilipinong kabilang sa formal sector ngunit tumatanggap ng mababang sweldo o minimum wage gaya ng mga saleslady, gasoline attendant, barangay tanod, barangay workers at iba pang mamamayang kumikita ngunit kinakapos sa kanilang pang-araw-araw na gastusin para sa pamilya.
Ang nasabing programa ay dinaluhan ng ilang kilalang personalidad na sina Vice Mayor Nancy Socrates, City Councilor Elgin Damasco, Atty. Gil Acosta Jr.,
Atty. Michelle Recasa Acosta, DSWD Palawan Field Office SWAD Team Leader Eric Aborot at mga kinatawan mula sa Opisina ni House Speaker Martin G. Romualdez na siyang tagapangalaga ng Una at Ikatlong Distrito ng Palawan.
Ang programang AKAP ay inisyatibo ng Pamahalaang Nasyunal sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa buong bansa.