PUERTO PRINCESA — Nagsagawa ng serbisyo caravan sa apat na barangay ng bayan ng Bataraza, Palawan, ang Pamahalaang Panlalawigan ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 24, 2024.
Ang Serbisyo Ig Progreso y Ang Sambayanang Palaweño o SPS ay isinagawa sa Brgy. Marangas gymnasium upang pagkalooban ang mga residente ng mga serbisyong medikal gaya ng medical consultation, libreng tuli o circumcision, dental extraction and consultation, nutrition services, tb screening, malaria blood smearing, at pamamahagi ng gamot at bitamina sa pamamagitan ng Provincial Health Office.
Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng munisipyo, kabilang din sa ipinagkaloob na serbisyo caravan ay kinabibilangan ng libreng gupit, Job Opportunities and Placement Assistance mula sa provincial PESO, scholarship assistance at veterinary services.
Ang naturang mga residente ay nagmula pa sa mga brgy. Marangas, Malihud, Bono-Bono, at Inogbong.
Una nang nagsagawa ng kahalintulad na aktibidad kamakailan ang PGP sa mga barangay ng Sarong at Ocayan noong ika-19 ng Oktubre; Igang-Igang, Iwahig, Sandoval, at Culandanum naman noong Oktubre 21; at nitong 23 ng Oktubre isinagawa ang caravan sa Brgy. Tarusan at Bulalacao.