Sinaklolohan ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na banyaga matapos ma-stranded sa Melzen Campsite Island, Brgy. Bulawit sa bayan ng Linapacan, Palawan, nitong bagong taon, Enero 1.
Kinilala ang mga dayuhang sina Louis Serveis at Cortes Torllufoh mula Belgium, at Enrico Cova at Francesca Fumaruco mula bansang Italy.
Sa ulat ng ahensiya, nagkaroon ng aberya ang sinasakyang motorized banca ng apat na dayuhan noong Disyembre 31, taong 2024, habang naglalayag ang apat mula Lualhati Wharf ng Coron, Palawan, patungong Brgy. San Fernando, El Nido, nang hampasin ng malalaking alon ang kanilang bangkang sinasakyan.
Lulan ng nasabing bangka ang 18 katao kabilang ang kapitan at crew nang magka-engine trouble ito sa layong isang nautical mile mula sa Melzen Campsite Island, nabanggit na bayan.
Agaran namang nagresponde ng MBCA Lucky 2J upang mailikas ang mga pasahero subalit ang apat na nabanggit na foreign nationals ay nagpasyang manatili sa isla dahil sa takot at pangamba para sa kanilang kaligtasan.
Sa tulong na ginawa ng Embahada ng Belgium, sa pangunguna ni Naomi Serrano, humiling ang embahada ng tulong para sa agarang pagliligtas ng mga turista.
Nitong Enero 1, taong kasalukuyan, ganap na alas-10:47 ng umaga, ligtas na naisakay ng PCG ang apat na turista sa MBCA Mark Gane. Kinumpirma naman ng Geico Agency na nakarating sila nang ligtas sa Dipnay, El Nido, Palawan, bandang alas-4:00 ng hapon.
Samantala, nagpaalala ang PCG sa mga bumibyahe sa dagat na maging handa at mag-ingat lalo na kapag masama ang lagay ng panahon, upang maiwasan ang mga ganitong insidente.