PUERTO PRINCESA CITY — Nakikitang solusyon ng National Irrigation Administration o NIA ang pagkakaroon ng mga impounding dam sa lalawigan ng Palawan para mabawasan ang pinsala sa mga taniman sa tuwing sasapit ang El Niño o tagtuyot.
Ayon sa ahensya, apat (4) na karagdagang impounding dam ang target maitayo sa ikalawa’t ikatlong distrito ng lalawigan partikular sa bayan ng Aborlan at Rizal.
Ayon kay Regional Director Engr. Ronilio M. Cervantes ng NIA 4B, ang mga karagdagang impounding dam ay itatayo sa Bgy. Batang-Batang, Malatgao, Ransang at, Malabangan.
“Dito sa Palawan ang mga irrigation natin ay river dam lang wala po tayong impounding dam kaya nu’ng nagka-El Niño wala ng tubig sa ilog, wala na ring tubig sa ating mga irrigable area konti na lang kaya maganda talaga ‘yung impounding dam.
Mayroon kaming proposal na apat sa second [at third] district. Kasi iyon ang kailangan talaga kapag may impounding dam tayo mami-minimize natin ang baha then sa summer naman magagamit natin sa patubig,” ani Cervantes.
Ang impounding dam sa Ransang ay target masimulan sa taong 2025 habang ang tatlo ay isinasailalim pa sa feasibility studies at inaasahang maisasakatuparan sa mga susunod pang taon.
Ayon pa sa opisyal, inaasahan na sa buwan ng Setyembre ay matatapos na rin ang konstruksyon ng Ibato-Iraan Reservoir Irrigation Project sa Aborlan, pinakamalaking proyekto ng NIA sa lalawigan. Sa pamamagitan ng proyekto, masusuplayan ng tubig ang mahigit 1,100 ektaryang taniman.
Aminado si Cervantes na naantala ang naturang proyekto dahil sa hindi pagpabor ng mga kapatid na katutubo sa lugar.
“Matagal na ginagawa sa Aborlan alam niyo naman ang problema natin doon maraming indigenous people… iyon ang nagpapatagal. Hindi nila pinapaboran kasi magagalaw sila sa taas, in-explain naman namin ng maigi, ilang taon pabalik-balik ang meeting,” paliwanag pa ng opisyal.
Ngayong 2024, naglaan ng 1.1 bilyong pisong pondo ang National Irrigation Administration para sa pagsasakatuparan ng mga nasabing proyekto.
v