Nasa kabuuang 400 fiberglass boats ang naipamahagi sa bahaging norte ng lalawigan ng Palawan.
Ang pamamahagi ay sa ilalim ng Typhoon Odette Recovery Project ng Department of Science and Technology (DOST)- Mimaropa.
Ayon kay Science Research Specialist Phyllicia Anne M. Baguyo- Salaria ng DOST PSTO- Palawan naging benepisyaryo ng fiberglass boats ang mga munisipyo ng Roxas, Dumaran, San Vicente, Araceli, Taytay at Cagayancillo.
Ang proyektong ito ay dinisenyo para sa mga lugar sa Palawan na lubos na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Odette noong 2021.
Ang Typhoon Odette Recovery Project ay pinondohan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na layuning tulungang makabangon ang hanapbuhay ng mga mangingisda sa nabanggit na mga munisipyo.
Aniya, may plano rin ang kanilang tanggapan na i-extend pa ang naturang programa sa mga piling benepisyaryo.
“May plans po tayo na magprovide pero hindi siya ganun ka large scale. Kasi kaya naging large scale ito kasi meron po tayong malaking fund na natanggap mula sa NDRRMC pero siguro kung magkakaroon ng another project mamimili nalang po kami ng certain site na hindi na rin po ganun karami kasi more on piloting lang po usually ang nagiging program namin sa DOST,” ayon sa opisyal.
Ang programa ay naisakatuparan rin sa pakikipagtulungan ng Western Philippines University (WPU), Palawan Provincial Government at mga Local Government ng 6 na benepisyaryong munisipyo sa bahaging norte ng lalawigan.