PUERTO PRINCESA CITY — Tumataginting na isang milyong pisong cash prize (P1-M) ang maiuuwi ng Tribu Malagnang matapos hiranging kampeon sa katatapos lang na Saraotan sa Dalan 2024, ngayong hapon, araw ng Linggo, Hunyo 23.
Ibinida ng mga mananayaw ng bayan ng San Vicente ang kanilang makulay na kasuotan at ang malikhaing pagsasabuhay ng mga buhay-ilang ng pawikan at iba pa na makikita sa kanilang bayan.
Nasungkit ng bayan ang kampeonato laban sa lima pang contingents na nagpakita ng kani-kanilang mayayamang kultura, likas-yaman, tradisyon, at iba pa.
Samantala, hinirang namang unang puwesto ang Tribu Purongitan ng bayan ng Cuyo na mag-uuwi ng P750,000.00 habang ang Tribu Narranon ng bayan ng Narra ang itinanghal na 2nd placer na mag-uuwi naman ng kalahating milyong pisong cash prize.
Maliban sa major prizes, may kalakip naman na sampung libong piso (P10,000.00) sa bawat special award na masusungkit ng bawat contingent at dalawandaang libong pisong (P200,000.00) consolation prize.
Ngayong hapon, nakuha ng Tribung Pangalipay ng bayan ng Magsaysay ang Most Disciplined Contingent at Best in Musicality awards habang Best in Costume ang Tribung Purongitan ng Cuyo, Best in Concept ang Tribung Palaw’anon ng Sofronio Española, at Best in Production Design ang Tribu Malagnang ng bayan ng San Vicente, Palawan.