PUERTO PRINCESA CITY — Tulung-tulong ang mga opisyales ng Bgy. Port Barton kasama ang mga local health workers sa ikinasang community drive at Oplan Taob upang masugpo ang pagdami ng mga lamok na Aedes aegypti o yellow fever mosquito na nagdadala ng Dengue, chikungunya, Zika fever, Mayaro, yellow fever viruses, at iba pang uri ng sakit dulot ng kagat ng mga ito.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng Repetek News, ang aktibidad ay bahagi ng pag-iingat ng Pamahalaang Pambarangay upang mapanatili ang kalinisan at kalusugan ng komunidad. Ang Oplan Taob ay isang uri ng kampanya na naglalayong sirain ang mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok gaya ng mga containers, sirang kagamitan, gulong, at marami pang iba.
Maliban sa Kampanya Oplan Taob, sinuri rin ng mga opisyales at health workers ang mga kabahayan na may alagang baboy upang tiyakin na walang banta ito sa kalusugang pantao.
Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan na ang pagkakaroon ng mga alagang baboy na malapit sa mga kabahayan o ilog ay lubos na ipinagbabawal dahil maaari rin umano itong magdala ng sakit sa mga tao.
Ang pagkakaisa ng komunidad sa ganitong uri ng programa ay mahalaga upang maging epektibo ang mga hakbang laban sa pagsugpo ng dengue at iba pang sakit.
via Marie Fulgarina
BLGU Port Barton