Photo courtesy | Sunmai Nacpan Beach
PUERTO PRINCESA CITY – Dahil sa ‘di maikakailang ganda ng tanawin sa Pilipinas, maraming mga turista ang mas pinipiling bumisita rito lalo na sa mga nagagandahang baybayin ng bansa.
Ayon sa Department of Tourism, mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2023, ay nakapagtala ang Pilipinas ng mahigit 5,450,557 international tourist arrivals.
Dagdag pa rito, nakapagtala din ang bansa ng may pinakamataas na bilang ng mga dayuhang turista mula sa bansang South Korea na sinundan naman ng mga bansang kinabibilangan ng United States, Japan, at Australia.
Sa tala ng Department of Tourism (DOT), lumagpas umano ang bilang ng mga turistang dumating sa bansa mula sa target nitong 4.8 milyon nitong nakalipas na taong 2022.
Anila pa, ito ay humigit-kumulang 650,000 na mas mataas kaysa sa target ng nasabing ahensya.
Samantala, batay sa kanilang monitoring data, 91.80% o 5,003,475 ang mga international arrivals na ito ay pawang mga dayuhan, habang 8.2% o 447,082 arrivals naman ay mga overseas Filipinos.
Bukod pa rito, ang Bureau of Immigration (BI) ay nakapagtala rin ng may kabuuang 49,892 o 34% tourist arrivals pagsapit ng bisperas ng bagong taon.
Inihayag ni Tourism Secretary Christina Frasco na ang lokal na industriya ng turismo sa bansa ay “mas mabilis na bumabalik kaysa sa inaasahan.”
“The country’s international tourism receipts have surged at an estimate of P482.54 billion from January 1 to December 31, 2023,” ani Frasco, na binanggit ang pre-pandemic period na nakapgtala ng 482.15 bilyon pisong kita.
“These numbers speak very well of the performance of the tourism industry under the Marcos Administration,” dagdag pa niya.
Samantala, inaasahan naman ng DOT na makapagtatala sila ng 7.7 milyong international tourist arrivals sa pagtatapos ng taong 2024.
Isa sa mga layunin ng DOT ngayong taon ang makapagtayo ng karagdagang 18 rest area para sa mga turista sa buong bansa.
Sa ulat naman ng Peoples Televesion (PTV), binanggit ng kalihim ang ukol sa pagpapatupad ng National Tourism Development Plan (NTDP) 2023 hanggang 2028 na aprubado na ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong nakalipas na Mayo 2023.