Photo courtesy | 2nd SOU MG

WALANG graphic health warning labels ang siyamnapu’t tatlong master cases ng produktong “Fort” white cigarettes na pinaniniwalaang smuggled ang nasabat sa karagatan ng Barangay Tinitian, Roxas, Palawan.

Base sa ulat ng awtoridad, nasabat ang smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P5.8 milyon sa pamamagitan ng anti-smuggle operation na isinagawa ng mga tauhan ng 2nd Special Operations Unit (SOU)-PNP Maritime Group Headquarters sa ilalim ng Special Task Team na tinawag na “Plutus.”

Matapos matuklasan sa isinagawang pag-inspeksyon ay napag-alaman na smuggled ang mga nasabat na produkto, nagresulta naman ito sa pagkakaaresto ng anim na indibidwal na nagdadala, nagmamay-ari at nagtangkang i-distribute ang smuggled na sigarilyo sakay ng isang motor launch na may marking “MJ PRINCESS AHRNI nitong ika-21 ng Pebrero, taong kasalukuyan.

Dahil dito, nahaharap ang mga natimbog na indibidwal sa kasong paglabag sa ilalim ng Section 1401 ng Republic Act 10863 o kilala bilang Customs Modernization and Tariif Act, na may kinalaman sa iligal na pag-angkat at pag-export.

Agad dinala ang mga naaresto sa 2nd SOU-MG Headquarters para sa tamang dokumentasyon at karagdagang legal na proseso.

Samantala, tinitiyak ng awtoridad na isasagawa ang lahat ng mga legal na hakbang na naaayon sa batas upang matugunan ang iligal na aktibidad, at protektahan ang mga lehitimong negosyo sa lalawigan.

Author