PALAWAN, Philippines — Ang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program o F2C2 National Cluster Summit ay kasalukuyang isinasagawa sa Costa Palawan Resort, lungsod ng Puerto Princesa, na magtatagal mula ika-27 hanggang ika-31 ng Mayo, 2024.
Layunin ng aktibidad na makamit ang Economic of Scale, magkaroon ng mas matibay na pakikipag-ugnayan sa mga prodyuser at sa merkado,mapabuti ang pakikipag-kasundo at kapangyarihan sa pamilihan, magtatag ng mas maayos na access sa kredito at pananalapi, masiguradong mas malawak na paggamit ng agri-aqua technologies, farm mechanization, logistics support, at postharvest facilities, at manghikayat ng mas aktibong “Big Brother-Small Brother Partnership” at Joint ventures sa mga Farmer Cooperative and Association (FCA).
Ito ay nilahukan ng iba’t ibang partisipante at piling panauhin mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pampubliko at pribadong tanggapan, at mga organisasyon upang talakayin ang importansya ng pagtatatag ng F2C2.
Sa ikalawang araw ng aktibidad, isinagawa ang ribbon cutting na pinangunahan ng mga opisyales ng Department of Agriculture at mga panauhin na kinabibilangan nina Engr. Ricardo M. Onate Jr., Director Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program Pavit Ramachandran, Asia Development Bank Country Director Phil. Country Office Southeast Asia Dept. Mr. Celso C. Olido, Ph.D RTD for Research and Regulations DA-MIMAROPA, at Atty. Alvin John F. Balagbag na Undersecretary and Chief of Staff ng DA bilang kahalili ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. At iba pa.
Nakiisa rin sa kaganapan ang mga representante nina Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron, Palawan Governor V. Dennis M. Socrates, Palawan 2nd District Cong. Jose Ch. Alvarez at Cong. Ferdinand Martin G. Romualdez Palawan 3rd District Caretaker.
“Walang ibang paraan para tayo makapag-produce ng mas marami ng ating Agricultural products kung hindi tayo magkakaisa-isa, ‘yung Agrarian reform where land was given to the farmers is a Social Justice initiative tama po iyon ibigay ang lupa sa mga magsasaka dahil kung hindi ay magkakaroon pa ng maraming social injustices kaya tama na ibigay ang lupa sa mga magsasaka.
Pero ngayon tapos na ang pagbibigay ng lupa dapat sama-sama naman tayo para ‘yong lupang ibinigay sa atin ay maconsolidate natin at mapalago natin, kung watak watak ‘yung mga magsasaka at mga fishermen maliit lang yung mapo-produce natin pero sa initiative na’to kung sama-sama tayo sa suporta ng gobyerno at private sector mas makakapagproduce tayo ng mas madami wala ho tayong eexport kung yung tayo mismo hindi natin mapakain ‘yong sarili natin,’ ani DA Undersec. Atty. Balagbag.
“Nagpapasalamat po kami sa F2C2 kasi yung programang ito tackles or specifically addresses that problem ‘yung pagsama-sama ng ating mga magsasaka, kailangan nating mag-Cluster, kailangan yung intervention ng gobyerno ay mas mapapadali at mas magkakaroon ng pakinabang kung magsasama-sama ang mga magsasaka kasi mas maraming intervention yung maibibigay po ng DA mas malaking makinarya mas madaming pataba, abono para sa mga magsasaka.
Kung individuals partner lang ‘to mahihirapan din po tayo kaya dapat po at sinusuportahan po namin ang pagbibigay ng mga insintibo sa mga kooperatiba. Kailangan nating palakasin ang mga kooperatiba natin,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa Kagawaran ng Agrikultura, ang kanilang programa ay nakatuon umano sa pagsasama-sama ng mga magsasaka at mangingisda sa isang komunidad o kalapit na komunidad. Pagpapabuti ng sakahan o pangisdaan, mga sistema at aktibidad sa produksyon at mga produkto. Paglulunsad ng mga proyekto at proseso tungo sa maayos na produksyon at value chain.
Ang programang Farm and Fisheries clustering and Consolidation (F2C2) ay naitatag sa bisa ng Administration Order No. 27, Series of 2020 na nilagdaan noong Agosto 8, 2020 na naglalayong suportahan at isulong ang clustering and consilidation sa mga Banner Program bilang isang estratehiya at para mapalago ang produksyon at kita ng mga magsasaka at mangingisda.