Ni Vivian R. Bautista
NASAKOTE ang limang (5) indibidwal sa Bgy. Poblacion, bayan ng Taytay, Palawan matapos magsagawa ng entrapment operation ang tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) hinggil sa iligal na pagbebenta ng huhay-ilang, nitong gabi ng Huwebes, ika-27 ng Hulyo 2023.
Nasamsam sa mga ito ang nasa tinatayang dalawampu’t pitong (27) kilo ng kaliskis ng pangolin at dalawang (2) motorsiklo na kanilang ginagamit sa pagbibiyahe ng mga ilegal na kontrabando.
Ang mga akusado ay napag-alamang residente ng bayan ng Roxas at Taytay.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa ilalim ng Batad Republika Bilang 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng nasabing batas ang pangangaso, pagbebenta, at pagkakaroon ng ‘critically endangered’ na mgaa buhay-ilaang kabilang na ang mga Pangolin.
Ang Palawan Pangolin ay nakalista bilang isang “Critically Endangered Species” sa ilalim ng PCSD Resolution No. 15-521, at ang mga ito ay may mahalagang papel sa ekosistema dahil sa ito’y kumukonsumo ng hanggang 70 milyong insekto bawat taon partikular na ang mga anay.
Ang tanggapan ng PCSD ay nagpaalala sa publiko na anumang paglabag sa batas at iligal na pagmamay-ari ng wildlife species, flora man o fauna, ay mahigpit na ipinagbabawal at may kaukulang parusa sa mga lalabag dito, ayon sa ibinahaging impormasyon ng PCSD.
Samantala, mahigpit na pinapayuhan ng PCSD ang sinumang may kaalaman sa anumang ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng wildlife species na agad na mag-ulat o tumawag sa PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) hotline (TNT) 09319642128 at (TM) 09656620248, o sa PCSDS Front Desk hotline (Globe/TM) 0935-116-2336 at (Smart/TNT) 0948-937-2200.
Maaari ring magpadala ng mga mensahe sa pamamagitan ng kanilang Facebook page.