PALAWAN, Philippines — Nakipagpulong sa Department of Education (DepEd) ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Narra sa pangunguna ni Mayor Gerandy B. Danao kasama si Councilor Felipe Argueza Jr. na Chairman ng Committee on Education nitong Hunyo 5, 2024.
Personal na nakausap ng grupo ng alkalde sina Schools Division Superintendent (SDS) Elsie Barrios at ilan pang kawani ng DepEd Palawan upang talakayin ang patungkol sa itatayong karagdagang eskwelahan sa Sitio Balintik at Sitio Minalaki ng Barangay Ipilan at Barangay Tacras at pati na rin sa pagproseso ng dokumento para sa nasabing proyekto.
Ayon kay Councilor Argueza, malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng karagdagang eskwelahan sa lugar upang hindi na mahirapan pa ang mga kabataan doon na tumungo sa malalayong paaralan upang makapag-aral.
Maliban dito, una na umanong inirekomenda ni SDS Barrios na sa bayan ng Narra itatayo ang dalawang (2) five storey building (5) na mayroong limampung (50) silid aralan kasama na rito ang pagkakaroon ng elevator.
Naipasa na rin ni SDS Barrios ang mga kinakailangang dokumento para sa pagproseso ng proyekto.
Mayroong mga requirments na kinakailangang isumite ang Local Government para tuluyang maimplementa ang pagtatayo ng nasabing pasilidad.