PUERTO PRINCESA CITY, Philippines — Aabot sa limampung (50) magsasaka mula sa mga bayan ng Agutaya at Magsaysay ang sumailalim sa Participatory Rural Appraisal (PRA) kamakailan.
Ang nasabing aktibidad ay pinangasiwaan ng mga kawani ng DA-SAAD MIMAROPA sa katauhan nina SAAD MIMAROPA Associate Project Officers Engr. Maiden Marie Segui, Jea Anne Yase, Engr. Krystal Mae Lubos, at mga Community Development Officers na sina Vilmar Robes, Jhonzell Panganiban, at Ian Von Yadao.
Unang sumalang sa PRA ang mga residente ng Brgy. Lucbuan, Magsaysay na karamihan ay pagsasaka, pangingisda at pag-aalaga ng mga hayop ang tanging ikinabubuhay.
Sa aktibidad, nagpahayag ang mga partisipante ng kanilang pagnanais na mag-alaga ng mga manok sa kabila ng mga kinakaharap na hamon tulad na lamang ng kakulangan sa inputs kabilang na ang mga aalagaang manok, patuka, gamot, at iba pa.
Suliranin din umano nila ang mga ahas at bayawak, mga peste at matinding klima sa lugar. Bagama’t kulang sa kapital, nagpahayag sila ng kahandaan na makapagtayo ng poultry house bilang kanilang kabahagi o counterpart sa proyekto sakaling maaprubahan ito.
Ayon sa SAAD MIMAROPA, interesado ang mga lumahok sa PRA sa Ready-to-Lay Chicken Production na matatagpuan sa Brgy. Algeciras, bayan ng Agutaya.
Isa umano ang transportasyon sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng mga magsasaka sapagkat limitado lamang at walang regular na byahe patungo at paalis sa naturang isla.
Kabilang sa kanilang mga pinagkakakitaan ang seaweed farming, pangingisda, at pag-aalaga ng mga manok sa kani-kanilang bakuran.
Paglalahad ng mga residente, limitado umano ang suplay nila ng pagkain sa mga panahong hindi sila nakakapangisda. Pagdating naman sa kakulangan ng tubig, hindi rin gaanong makapagtanim ang mga magsasaka at kinukuha pa nila ang kanilang inumin sa mga sitio ng barangay na nasa kabilang isla.
Nais ding subukan ng mga kalahok ang RTL Chicken Production upang matugunan ang pangangailangan nila sa suplay ng pagkain at problema sa malnutrisyon.
Sa huling bahagi ng PRA, labis ang pasasalamat ng mga mamamayan sa SAAD MIMAROPA sa pagdating ng kanilang mga kawani sa naturang mga bayan.
Anila, malaking bagay umano para sa kanila na mabigyan ng oportunidad na mapabilang sa mga karagdagang potensyal na benepisyaryo ng SAAD Program.
“We are thankful, napakapalad natin na ang Department of Agriculture (ay) pumupunta pa dito sa ating lugar para mapunan ang ating mga pangangailangan. Kaya huwag nating sasayangin ang oportunidad na ito,” ani Brgy. Captain Victorio A. Cataylo.