Photo courtesy | SanVic LGU
PALAWAN, Philippines — Aprobado ng Sangguniang bayan ng San Vicente ang mahigit 526 milyong pisong taunang pondo nitong buwan ng Nobyembre, ayon sa municipal information office ng nabanggit na bayan.
Kabuuang nasa 526,318,659.43 milyong piso ang inilagak na annual budget ng Local Government Unit (LGU) para sa taong 2024 na agarang inaprubahan sa ika-73rd na regular session ng ika-labinlimang (15th) konseho sa pangunguna ni Vice Mayor Ramir R. Pablico bilang Presiding Officer.
Ang ‘Appropriation Ordinance No. 31 Series of 2023’ ay naglalaman ng mahigit kalahating bilyong pisong budget na nahahati sa tatlong (3) pangunahing sektor na binubuo ng iba’t ibang mahahalaga at napapanahong programa, proyekto, at activites o PPAs para sa sustenableng pangkaunlaran ng bayan ng San Vicente.
Ayon sa municipal information office, pinondohan ng mahigit 226 milyong piso ang General Public Services, higit 181 milyong piso naman ang serbisyong sosyal habang 118 milyong piso ang sektor ng economic services.
Kaugnay rito, agarang iminungkahi ni Konsehal Teodulo A. Varquez, Chairperson ng Committee on Finance and Appropriation, ang mabilisang pagpasa ng nasabing budget sa ikatlo at huling pagbasa na sinegundahan naman ng lahat ng miyembro ng konseho.
Matapos na maipasa ang naturang budget, inaasahan na mapabilis ang implementasyon ng mga programa at proyektong pangkaunlaran partikular sa pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan ng San Vicente.