Photo Courtesy | City Mayor’s Office

TINIGUIBAN, Puerto Princesa City — Nagpaabot ng paunang tulong pinansiyal ang Pamahalaang Panlungsod sa mga biktima ng sunog sa Barangay Bagong Silang at Pagkakaisa.

Sa ulat ng City Mayor’s Office, tumungo sa mga itinakdang evacuation centers si Punong Lungsod Lucilo Rodriguez Bayron kasama sina Councilor Raine Bayron, konsehal Jonjie Rodriguez, Konsehal Patrick Hagedorn, at Association of Barangay Captains (ABC) Laddy Gemang, para sa pamamahagi ng limanlibong (P5,000.00) tulong pinansiyal at limang (5) kilong bigas.

Nasa kabuuang 697 pamilya ang nabigyan ng initial na cash assistance.

Ayon pa sa ulat ng tanggapan, tinungo ng mga local leaders ang Barangay Pag-asa covered gym kung saan 350 pamilya mula sa Barangay Pagkakaisa ang pansamantalang naninirahan sa lugar; 311 pamilya naman sa Heritage Park na mula sa Barangay Bagong Silang; 28 pamilya ang kasalukuyang nasa Barangay Princesa covered gym; habang 8 pamilya naman sa Barangay Tagumpay covered gym.