Ni Marie Fulgarinas
Lumabas na ang 2024 Cities and Municipalities Competitive Index (CMCI) Rankings ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya ng Pilipinas o Department of Trade and Industry (DTI) upang bigyan ng karampatang pagkilala ang mga lokal na pamahalaan na may kaugnayan sa pagpapaunlad ng kanilang serbisyo, kalidad ng proyekto, atbp.
Sa press release ng kagawaran, sinabing nakabatay ang ranking sa “five key pillars” ng local government units (LGUs) — ito ang Economic Dynamism, Government Efficiency, Infrastructure, Resiliency, at Innovation.
Sa Top 3 list ng Most Competitive Provinces, nangunguna rito ang lalawigan ng Rizal na sinusundan ng lalawigan ng Laguna at Davao del Norte. Ang nasabing provincial rankings ay nakabatay sa populasyon at income weighted average ng pangkalahatang iskor ng mga lungsod at munisipyong nakapailalim sa nasabing mga lalawigan.
Sa top three list ng Most Competitive Highly Urbanized Cities, nangunguna ang lungsod ng Quezon, Maynila, at Pasay, na pawang mga lungsod na matatagpuan sa National Capital Region o NCR. Sa most competitive component cities naman, nangunguna rito ang lungsod ng Naga sa Camarines Sur, lungsod ng Digos sa Davao Region, at Legazpi City ng rehiyon ng Bicol.
Nasama naman sa ranking ng “1st to 2nd class municipalities” ang mga kabayanan ng Cainta at Taytay, Rizal habang ikatlong puwesto naman ang munisipyo ng Claver sa lalawigan ng Surigao del Norte.
Sa 3rd to 4th class municipalities ng bansa, nanguna rito ang bayan ng Can-avid mula Eastern Samar, Mambajao ng lalawigan ng Camiguin, at bayan ng San Felipe, Zambales.
Kinilala naman ng kagawaran ang mga bayan ng Kauswagan mula Lanao del Norte, bayan ng Tubod sa Surigao del Norte, at Sta. Catalina ng lalawigan ng Ilocos Sur mula sa mga munisipyong nasa “5th to 6th class municipalities.
Samantala, sa Mimaropa Region, top 8 sa listahan ng Most Competitive in Infrastructure ang lungsod ng Puerto Princesa habang nasungkit naman ng Lungsod ng Calapan sa ilalim ng component cities list ang unang puwesto ng Most Competitive in Resiliency at parehong ikalima sa Overall Most Competitive City at Most Competitive in Infrastructure.
Kaugnay rito, ikawalong spot naman ang bayan ng San Jose, Occidental Mindoro sa listahan ng Most Competitive Economic Dynamism habang ikalawa naman ang bayan ng Kalayaan, Palawan, sa listahan ng Most Competitive in Government Efficiency.
Kinilala rin ang bayan ng San Fernando, Romblon, bilang ikauna at ikapito sa listahan ng Most Competitive in Resiliency at Government Efficiency habang ikaanim ang bayan ng Looc sa listahan ng maayos na pamamahala. Dagdag dito, ang mga bayan ng Cajidiocan at Lubang mula lalawigan ng Romblon at Occidental Mindoro ay ikapito at ikaapat sa listahan ng Most Improved Ranking at Economic Dynamism.