Photo courtesy |

Repetek News

Team

Sa patuloy na pag-iikot ng Department of Trade and Industry (DTI) Palawan sa iba’t ibang establisyimento sa lungsod ng Puerto Princesa, anim (6) dito ang nasampolan ng ahensya matapos makitaan ng mga substandard na produkto.

Ayon kay DTI Provincial Director Hazel Salvador, nakumpiska ang mga produkto tulad ng LED bulbs, electric hand mixer, PE pipes at fire extinguishers na walang mga markings, na ibinibenta sa kabila na ito ay hindi dumaan sa tamang proseso.

At nito lamang araw ng Biyernes, Oktubre 18, ang nabanggit na mga substandard na produkto ay dinala ng ahensya sa Sanitary Landfill ng lungsod na matatagpuan sa barangay Sta. Lourdes at doon ito sinira at pinitpit gamit ang backhoe.

Ibinalita naman ni Salvador sa midya na sa loob ng tatlong taon nakitaan ng pagbaba ang bilang ng mga lumalabag sa fair trade laws.

Noong 2022, umabot sa P748,639.75 ang halaga ng mga nakumpiskang substandard products sa 18 establisyimento sa Palawan.

Taong 2023 naman, may kabuuang 13 establisyimento sa lalawigan ang nakitaan ng paglabag, aabot sa P327,594.15 ang kabuuang halaga ng mga confiscated items.

Ngayong taon, 6 na establisyimento sa lungsod ang hindi tumalima sa batas kung saan umabot sa P267,689 ang halaga ng mga nakumpiskang substandard na produkto.

“Base sa naging experience natin for the past three years, nag-improve. Ibig-sabihin, based sa ginagawa naming monitoring, bumaba ‘yung mga violating teams…mas kokonti ‘yung hulihan natin this year and also the amount confiscated bumaba [r]in,” ani Salvador.

Dagdag pa ng opisyal, noong 2022, nasa P122,000 ang kabuuang penalty na ipinataw sa mga lumabag na establisyimento, P98,000 naman nitong 2023, at ngayong taon ay P32,000 lamang ang penalties na ipinataw sa mga establisyimento sa lungsod na hindi sumunod sa fair trade laws.

“Binibigyan natin sila ng notice then sasabihan natin na mayroon silang violation then ipapatawag sa opisina then mag-e-explain sila then based doon sa magiging usapan ang kanilang penalty kasi definitely may penalty po na ipinapataw ang DTI,” dagdag pa ni Salvador.