Siyamnapu’t limang araw na lang, ihahalal na ng mga Palawenyo ang bagong mauupong mga senador, party-list groups, kongresista, provincial, city, at municipal officials para sa nalalapit na 2025 National and Local Elections (NLE) na gaganapin sa Mayo 12.
Sa datos ng Commission on Elections (COMELEC) Palawan, may 790,372 ang rehistradong mga botante sa lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa na kung saan binubuo ng tatlong distrito: first district, 303, 217; second district, 275,620, at third district, 211,535.
Pinakamaraming registered voters sa unang distrito na binubuo ng labinlimang mga island at mainland municipalties: Agutaya, Araceli, Busuanga, Cagayancillo, Coron, Culion, Cuyo, Dumaran, El Nido, Kalayaan, Linapacan, Magsaysay, Roxas, San Vicente, at Taytay.
Pamumunuan ng mga ihahalal na local officials ang isa sa mga hiyas ng Pilipinas – ang Palawan, na may lawak na 14,649.73 square kilometers.
Iba’t ibang mga likas na yaman ang tinataglay ng Palawan mula sa mga beach at isla hanggang sa mga kabundukan at lawa. Ang mga kahanga-hangang likas na kagandahan ng El Nido, Puerto Princesa Underground River, Coron, Tubbataha Reefs Natural Park, Port Barton, at marami pa na umaakit sa nasa milyong turista at nag-ambag sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng lungsod at lalawigan.
Samantala, mainit na usapin naman ngayon ang isinusulong na panukalang 25-year mining moratorium sa Palawan na layong pagpahingahin ang kagubatan sa mga aktibidad ng pagmimina.
Dahil dito, nais naman turuan ng leksyon ng simbahang katoliko ang mga politikong kasalukuyang kumakandidato sa Palawan na huwag iboto ng mga mamamayan sa darating na halalan kung hindi makikipagtulungan sa naturang panawagan.