Ni Clea Faye G. Cahayag

MULA sa labing-anim (16) na barangay sa bayan ng Brooke’s Point, siyam (9) na rito ang mayroong naitalagang Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR).

Sa ibinahaging impormasyon ng kanilang Municipal Information Office, noong ika-24 ng Hulyo nanumpa na kay Mayor Cesareo R. Benedito Jr., ang mga bagong IPMR mula sa pitong (7) barangay na kinabibilangan nina Ismael A. Sagueran ng Barangay Malis, Lydia I. Insang ng Barangay Salogon, Apolinareo Rilla ng Barangay Saraza, Esnen T. Baharon ng Barangay Oring-Oring, Aprilito U. Mastala ng Barangay Mainit, Tessie M. Badua ng Pangobilian at Jonito S. Lagan ng Barangay Mambalot.

Nauna nang nanumpa sina Gemma U. Agor ng Barangay Amas at Ruel E. Anding ng Barangay Imulnod kamakailan.

Ang mga ito ang tatayong kinatawan ng mga katutubo sa kanilang mga barangay at magsusulong ng mga pangangailangan at kakulangan sa mga ahensya ng pamahalaan.

Ang pagkakaroon ng IPMR ay alinsunod sa Indigenous People’s Rights Act 1997 o IPRA Law, Republic Act No. 8371 na layuning kilalanin ang mga karapatan at kultura ng katutubo.

Hinimok naman ni Mayor Benedito ang mga Punong Barangay na kilalanin ang mga bagong napiling IPMR na mayroong parehong karapatan sa mga barangay kagawad na kung saan ay tatanggap rin ng mga benepisyo mula sa barangay.

Samantala, kasalukuyan pang isinasaayos ang mga dokumento ng iba pang mga IPMR na uupo sa iba pang mga barangay.

Si Nerelia Pacaldo naman ang nakaupong IPMR sa Sangguniang Bayan. 

Author