Photo courtesy | Information Department of U. S. Embassy in the Philippines

PALAWAN, Philippines — Target ng bansang Estados Unidos na matulungang mapabilis ang pag-unlad ng ekonomiya ng siyam (9) na lungsod sa labas ng Metro Manila kaya’t naglunsad ng bagong partnership program ang U.S. Agency for International Development (USAID) sa pamahalaang nasyunal ng Pilipinas nitong ika-27 ng Oktubre, taong kasalukuyan.

Ito ay kinabibilangan ng lungsod ng Batangas, Cagayan de Oro, General Santos, Iloilo, Legazpi, Puerto Princesa, Tacloban, Tagbilaran, at Zamboanga.

Ang limang-taong USAID Urban Connect Project ay popondohan ng mahigit 625 milyong piso na ang layon ay palawakin ang mga kapasidad at makapagbibigay ng mga teknikal na tulong na nakasentro sa pang-ekonomiya ng siyam na lungsod.


“Aligned with our vision in building competetive, resilient, socially protective, and safe LGUs, we believe that USAID’s Urban Connect Project will complementing the efforts not only of DILG but also of other government agencies in enhancing public service delivery and advancing local economic development,” ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.

Sa ilalim ng nasabing programa, makikipagtulungan ang USAID sa mga lokal na pamahalaan ng mga kasosyong lungsod upang mapadali ang paglago ng negosyo, i-streamline ang sistema ng business permit, palakasin ang pampublikong pamamahala sa pananalapi, isulong ang paglipat ng e-governance, at pahusayin ang pakikipagtulungan sa pagitan ng mga kalapit na lungsod.

“As your partner in prosperity, the U. S. government seeks to strengthen the capacity of our partner cities and surrounding areas to become not only centers of economic growth, but also beacons of inclusivity and innovation,” ani USAID Philippines Mission Director Ryan Washburn.

“The Urban connect Project fosters sustainability and resilience and ensures that no one is left behind as these cities progress,” dagdag ni Washburn.

Bilang karagdagan sa pagsulong ng ekonomiya, pagbubutihin din ng proyekto ang mga serbisyong pangkalusugan at edukasyon, itataguyod ang katatagan ng klima at kahandaan sa sakuna, at itataguyod ang pagkakapantay-pantay ng kasarian at panlipunang pagsasama sa mga kasaping lungsod.

Kaugnay rito, ang bagong partnership ay nakabatay sa mga patuloy na natamo na Cities Development Initiative (CDI) ng USAID na nakatutulong sa pagpapakilala ng mga pangunahing reporma sa ekonomiya ng mga pilot na lungsod gaya ng Batangas, Iloilo, at Cagayan de Oro.