Iniulat ng Social Weather Survey (SWS) na siyamnapung porsyento ng mga Pilipino ang sasalubungin ang bagong taon nang may pag-asa kaysa may pangamba.
Ito ay batay sa naging resulta ng nationwide survey sa pamamagitan ng face-to-face interview para sa may kabuuang 2,160 adult respondents na isinagawa noong ika-12 hanggang 18 ng Disyembre, taong kasalukuyan.
Bagaman 90 porsyento ng mga Pilipino ang sasalubungin nang may pag-asa ang bagong taon, bahagyang mas mababa naman ito ng anim na puntos, at naiulat na pinakamababa mula 89 porsyento taong 2009.
Ang mga taong 2017, 2019 at 2023 ang may pinakamataas na record na may 96 porsyento simula isinagawa ang survey taong 2000 para sa kaparehong survey.
Nasa sampung porsyento naman ng mga Pilipino ang sasalubong sa bagong taon nang may pangamba, na nakapagtala ng pinakamataas na rekord simula taong 2010. Nitong taong 2023, nasa tatlong porsyento lamang ng mga Pilipino ang naitalang may pangamba sa pagsalubong sa bagong taon base sa survey.
Samantala, batay naman sa isinagawang survey ngayong Disyembre, ang pag-asa sa bagong taon ay pinakamataas sa bahagi ng Luzon sa labas ng Metro Manila na may 92 porsyento, sinundan ng Metro Manila na may 91 porsyento, Mindanao sa 89 porsyento, at Visayas sa 87 posyento.