PATULOY ang isinasagawang validation ng City Social Welfare and Development sa mga barangay sa lungsod ng Puerto Princesa na naapektuhan ng pagbaha dulot ng Shear Line at Inter Tropical Convergence Zone o ITCZ.
Sa datos ng CSWD na ibinahagi sa
Repetek News
Team, sa ngayon ay 25 barangay na ang naitatalang lubog sa baha kung saan apektado ang 2,304 pamilya at 9,097 indibidwal.Ayon kay Acting City Social Welfare and Development Officer Remy C. Beltran, 971 families ang nanunuluyan sa 23 evacuation centers habang 1,562 ang outside evacuation centers.
Aniya, ang barangay Sicsican ang nangunguna sa may pinakamaraming evacuees sa bilang na 184 families, sinusundan ito ng brgy. San Pedro- 173 families, brgy. Bancao-Bancao-97 families, brgy. Iwahig-90 families, brgy. San Jose-81 families, brgy. San Miguel- 76 families at brgy. San Manuel na may 67 affected families. Ang mga ito ay pawang nanunuluyan sa loob ng evacuation centers.
Samantala, mayroon pang 324 apektadong pamilya sa brgy. San Jose, 265 families sa brgy. Bancao-Bancao at 263 families sa brgy. Tagburos na naitala naman sa labas ng evacuation centers.
“All in all ang total number of affected barangays natin on going. Si Inagawan hindi pa siya kasama, 25 ang affected barangays natin as of now. Yun po ang latest update pertaining sa ating affected families,” ani Beltran.
Ang CSWD ay mayroong kabuuang 106 empleyado at sa kasalukuyan 80% ng kanilang tauhan ay nakadeploy sa iba’t ibang evacuation centers.
Katuwang naman nila ang mga opisyales ng barangay, mga community volunteers at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) para maghatid ng serbisyo sa mga residenteng nangangailangan.