Ni Clea Faye G. Cahayag
NAGPATAWAG ng pagpupulong ngayong araw si Punong Lungsod Lucilo Bayron para pag-usapan ang mga gagawing hakbang ng lokal na pamahalaan para masungkit ng Puerto Princesa ang International Dragon Boat Race.
“Kailangan pagpursigihan natin, ngayong alas diyes [ng umaga] may meeting tayo at lahat ng gustong makisali sa meeting na ito para pagtulungan natin, ano ang diskarte natin na matuloy ang event na ito para yung Puerto Princesa tuluy tuloy na mailagay hindi lang sa mapa ng Pilipinas kundi sa mapa ng mundo,” ang tinuran ni Punong Lungsod Lucilo Bayron sa flag raising ceremony.
Ayon sa Alkalde dahil hindi matutuloy isagawa sa bansang Tsina ang aktibidad na ito may posibilidad na ito ay maidaos sa siyudad lalo pa’t maliban sa Cebu ito ay inialok din ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) sa Puerto Princesa.
“Posibleng dito gagawin ang International Dragon Boat Race dahil hindi na matutuloy sa China, ang China ang nanalo sa bidding [pero] hindi matutuloy doon. Ino-offer sa atin, dalawa yung iniisip nung Presidente ng Dragon Boat Federation ng Pilipinas; Puerto Princesa atsaka Cebu –pero unang inalok sa atin kasi mas maganda yung playing area natin dahil nakikita yung start to finish,” dagdag pa ng Alkalde.
Aabot sa mahigit 98 milyon ang kinakailangang budget para dito, maliban pa sa mga gagawing bleachers at itatayong tower lights.
Inaasahang pito hanggang walong libong paddlers mula sa 32- 100 bansa ang makikilahok sa International Dragon Boat Race na binigyang diin ni Bayron kung maisasagawa sa lungsod malaki ang maitutulong sa turismo.
“Ang sabi nung Philipine coach ang minimum 32 countries at maaaring umabot ng 100 countries so sabi niya 7,000-8,000 na paddlers ang darating. Sabi ko kung seven thousand at 5 days [magstay]– 7,000 times 5 days tapos tinanong ko kay Tourism Officer natin magkano ba ang average na gastos ng isang turista dito sa atin, sabi niya 5,000, lahat ng yun mahigit 200 milyon, ang investment natin 100 milyon,” ayon pa sa Alkalde.