Ni Vivian R. Bautista
ISINUSULONG ng mga lokal na mambabatas ang pagtatayo ng Climate Resilience Center sa lalawigan ng Palawan, ayon sa resolusyong iniakda ni Board Member Ryan Maminta.
Batay sa Proposed Resolution No. 1246 – 23, ang akdang “Enjoining the Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) to study and Consider the Idea of Establishing Palawan Climate Resilience Center (PCRC) Under its Office.”
“Ang PCRC ay magiging sentro kung maaari ng research, policy formulation, at coordinating arm ng Provincial Government sa pagtupad [ng] tungkulin to achieve climate and disaster resilience sa buong probinsya,” pahayag ng mambabatas.
Aniya, bagaman hindi nararanasan ng lalawigan ang ilang natural disasters gaya ng lindol – nararapat pa ring pagtuunan ng pansin ng Pamahalaang Panlalawigan ang ganitong aspeto upang masiguro ang kahandaan.
“Napapanahon po, bagama’t hindi katulad ng ibang lugar na [tulad nang] sinasabi nilang safe ang Palawan, kailangan [pa rin nating] maging handa para sa kasalukuyan at sa susunod na henerasyon.”
Aniya, ang layunin ng nasabing resolusyon ay mapaunlad ang kahandaan at katatagan ng bawat komunidad sa lalawigan. Ito rin ay magiging sentro ng pananaliksik, pagbabalangkas ng mga polisiya, at magsisilbi ring coordination arm ng Palawan upang makamit ang pagiging independent climate and disaster resilience.
Ayon pa sa mambabatas, ang budget allocation ng Pamahalaang Panlalawigan sa proyekto ay mula sa 5% Disaster Reduction Management Fund ng ahensya.