Ni Ven Marck Botin
NAGSAGAWA ng tatlong (3) araw na pagsasanay ang pamunuan ng Provincial Nutrition Office o PNO upang labanan ang problemang malnutrisyon sa buong lalawigan ng Palawan.
Ayon sa ulat ng Provincial Information Office, ang 3-day Malnutrition Reduction Training-Workshop para sa mga Barangay Environment, Agriculture Nutrition Scholars (BEANS) ay dinaluhan ng mga iskolar mula sa bayan ng Brooke’s Point.
Ang pagsasanay ay naglalayong pababain ang kaso ng malnutrisyon sa mga sanggol at batang Palaweno.
Itinuro sa mga iskolar ang DOST PINOY o Package for the Improvement of Nutrition of Young Children na programang ibinibigay ng Department of Science and Technology para pababain ang bilang ng malnutrisyon.
Ang DOST PINOY ay mayroong pitong (7) modyuls: ang Batayang Nutrisyon, pagpapasuso, maayos at ligtas na pagbubuntis, pagbibigay ng karagdagang pagkain, meal plan, ligtas na pagkain, at gulayan sa bakuran.
Sa panayam ng PIO kay Provincial Nutrition Action Officer Rachel T. Paladan, binigyang-diin nito na ang workshop ay magsisilbing daan sa pagpapaigting ng mga kaalaman ng mga iskolar partikular na sa DOST PINOY na maaaring maibahagi sa mga magulang sa kani-kanilang mga lugar.
“Inaasahan natin na sa pagbalik ng ating mga Barangay Environment, Agriculture and Nutrition Scholars sa kani-kanilang barangay ay maituturo nila sa mga nanay ang mga natutunan tungkol sa DOST PINOY,” pahayag ng opisyal.
Dagdag dito, nagsagawa rin ng return demonstration sa paghahanda ng masusustansya at balanseng pagkain ang mga iskolar bilang bahagi ng pagsasanay.