Photo courtesy | PPCWD
PALAWAN, Philippines — Hindi na maghihirap sa suplay ng tubig ang mga residente ng barangay Bacungan sa lungsod ng Puerto Princesa dahil pinasinayaan na nito lamang ika-9 ng Nobyembre 2023 ang water system project ng City Water District sa lugar.
Ayon sa pamunuan, tuwing sasapit ang summer ay talagang hirap sa tubig ang mga residente sa naturang barangay kaya naman binigyang-diin na malaki ang maitutulong ng proyekto partikular sa pagkakaroon ng malinis na inuming tubig.
Ang pagpapasinaya ay dinaluhan nina Punong Lungsod Lucilo Bayron, PPCWD Board of Directors sa pangunguna ni Atty. Winston T. Gonzales, PPCWD General Manager Walter P. Laurel, PENRO, CENRO, Ronilo Camacho, General Manager ng Candis 3 Marketing Cooperative at ng barangay council ng Bacungan.
Sa mensahe ni Mayor Bayron, sinabi nito na mula sa isang struggling utility, ngayon ang Puerto Princesa City Water District ay isa na sa “most innovative water district” sa buong Pilipinas.
Ayon naman kay GM Laurel ang proyekto ay naging posible sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya.
“This project was a result ng collaboration ng lahat ng agencies. Napakalaking tulong ito dito sa komunidad natin sa Bacungan ng bagong water system dahil every summer hirap ang tubig dito at matutugunan natin ang ating pangangailangan sa malinis na inuming tubig,” ani Laurel.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga mamamayan ng brgy. Bacungan dahil ang proyektong ito ay matagal na anilang hinihintay upang matugunan ang problema sa tubig sa kanilang lugar.