PALAWAN, Philippines — Nasungkit ng Molecular Diagnostic Laboratory ng lungsod ng Puerto Princesa ang mga parangal na kinabibilangan ng Best Practices Awardee for Service Delivery Category at Quality Assurance Program Award for South Luzon, ayon sa Gabay Pangkalusugan ng lungsod.
Nakakuha rin ng 5 stars ang pasiliddad sa isinagawang 2023 Assessment for Molecular Laboratory.
Matatandaan, noong ika-30 ng Agosto 2021 isinagawa ang commissioning ng naturang laboratoryo, ito rin ang kauna-unahang molecular laboratory sa buong rehiyon ng Mimaropa na nabigyan ng license to operate ng Department of Health (DOH).
Sa naunang pahayag ni City Health Officer Dr. Ricardo Panganiban, binigyang-diin nito na hindi madali ang magtayo ng isang molecular laboratory dahil marami itong proseso na kailangang pagdaanan.
Aniya, malaki ang papel ng laboratoryong ito partikular sa pagsasagawa ng RT-PCR lalo noong kasagsagan ng pandemya dulot ng Covid-19, dahil mayroon na ito ang lungsod hindi na kailangan pang makipag-unahan sa ibang mga ospital tuwing magre-request ng naturang test.
Ayon naman kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, ang paglalagay ng molecular laboratory sa lungsod ay isang hakbang lamang para mas mapaunlad pa ang pagbibigay ng medikal na serbisyo sa mga mamamayan.