Photo courtesy | AP

NAGPAKITA ng suporta ang ilang grupo ng mga Palawenyo sa gagawing Christmas Convoy sa West Philippine Sea (WPS) ngayong araw ng Linggo, ika-10 ng Disyembre.

Ang delegasyon mula sa Palawan ay pangungunahan ng Palawan Patriots for Peace and Progress o P4, layunin ng grupo na mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran hindi lamang sa lalawigan ng Palawan kundi sa buong bansang Pilipinas.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Joaquin Philippe Ortega, convenor ng P4, ang kanilang pakikiisa sa aktibidad na ito ay isang pagpupugay at pasasalamat sa mga kasundaluhan na nakadestino sa WPS para sa kanilang ginagawang sakripisyo, maingatan at mapangalagaan lamang ang teritoryo ng bansa at pagbibigay suporta na rin sa mga Pilipinong mangingisda.

“Ang gagawin nating to ay para sa tropang kasundaluhan sa West Philippine Sea..napakaliit [lang] na bagay nito para sa sakripisyo na ibinibigay nila. [At] para naman sa ating mga mangingisda na maramdaman nila na hindi sila nag-iisa, napaka-importante po nitong gagawin natin since alam naman natin na ang Kalayaan ay nasa bakuran natin,” ang tinuran ni Ortega.

Maliban sa P4, makikiisa rin sa paglalayag ang grupong Ahon Palaweño, Chef Aiza’s Community Kitchen, Saguda Palawan, Palawenyo Savers Club, Pioneer Publication ng Palawan State University, at Environmental Legal Assistance Center (ELAC).

Tiniyak naman ng P4 na ligtas ang isasagawang convoy dahil pinag-aralan itong mabuti ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Security Council (PSC).

Nakatakdang maglayag ang buong delegasyon sa December 10 mula El Nido, San Fernando Port patungong Ayungin Shoal.

Ang Christmas Convoy ay binubuo ng iba’t ibang grupo at sektor sa lipunan sa pangunguna ng ‘Atin to’ coalition. Layunin nito na magbigay ng pangunahing pangangailangan ng mga sundalo na nakadestino sa Ayungin Shoal. | via Clea Cahayag