Ni Marie F. Fulgarinas
PALAWAN, Philippines — Kamakailan, idineklara ang limampu’t limang (55) barangay sa lungsod ng Puerto Princesa bilang ‘Drug-Cleared Barangay’ habang labing-isang (11) barangay naman ang nadeklarang ‘Drug-Free Barangay’.
Ayon sa City Information Office, ang nasabing deklarasyon ay indikasyon na napapalakas ng hanay ng mga pulis sa lungsod ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Dagdag ng tanggapan na patuloy na pinalalakas ng pulisya sa lungsod ang kampanya upang masiguro na tuluyan nang mawala ang paggamit at pagbebenta ng mga iligal na droga, pagsugpo sa krimen, pagpapanatili ng kapayapaan, at kaayusan ng buong Puerto Princesa.
Anila, papasinayaan na sa susunod na mga araw ang karagdagang tatlong (3) bagong gusali o istasyon ng pulis na itinayo sa Brgy. San Rafael, Brgy. Macarascas at Brgy. Luzviminda.
Ayon pa sa tanggapan, nauna nang napasinayaan ang Napsan Police Station na sakop ang buong west coast upang masiguro ang katahimikan sa lugar.
Sa kabilang dako, ang mga proyektong nabanggit ay ilan lamang sa mga malalaking proyektong bahagi ng ‘Big Bang’ o pagpapasinaya ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng administrasyon ni City Mayor Lucilo Rodriguez Bayron.
Nakatakdang buksan ang ilang infrastructure projects sa lungsod sa darating na Pebrero 14 hanggang 18.