Ni Vivian R. Bautista
SA PAMAMAGITAN ng U.S. Agency for International Development (USAID), matagumpay na sinuportahan ng gobyerno ng Estados Unidos ang 500 Filipino out-of-school youth (OSY) upang makakuha ng mga kasanayan sa pananalapi at pagnenegosyo gamit ang isang savings program.
Tinatawag na “Saving and Internal Lending Communities,” o SILC, ang mga saving and lending group na ito na binubuo ng mga out-of-school youth na sinanay ng Opportunity 2.0 project ng USAID at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga teknikal-bokasyonal na kasanayan pati na rin sa pagnenegosyo, ayon sa Information Department of US Embassy in the Philippines.
Nakipagtulungan ang USAID sa Catholic Relief Services Philippines upang ipatupad ang savings and lending approach ng SILC para bigyan ang mga kabataan ng mahahalagang kasanayan sa pananalapi at pagnenegosyo.
Sinabi ng Direktor ng Edukasyon ng USAID Philippines na si Thomas LeBlanc na ang mga interbensyon na ito ay “nagbibigay sa mga out-of-school youth ng matibay na pundasyon sa pananalapi upang makamit nila ang kanilang mga pangarap na magpatuloy sa pag-aaral, mag-aplay para sa mga trabaho, o magsimula ng kanilang sariling negosyo.”
Ang mga kabataan ay nakikipagtulungan sa kanilang mga kahanay upang makaipon para sa kanilang mga pangangailangan, at magkaroon ng isang grupo ng suporta habang nakikipagsapalaran sila sa maliliit na negosyo.
Ang mga kabataan, na inorganisa sa limang lungsod, ay nakaipon umano ng kabuuang Php620,000 mula noong Enero 2021.
Sa ngayon, ang mga grupong ito ay nagpahiram ng Php320,000 para suportahan ang edukasyon, pagsasanay, kabuhayan, at iba pang emerhensiya na pangangailangan ng mga kabataang miyembro nito.
Upang ipagdiwang ang matagumpay na pilot ng programa, nag-host ang USAID ng learning event noong ika-9 hanggang ng Mayo sa Cebu upang tingnan ang pagpapatupad ng programa sa mga lungsod ng Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Cotabato, at Quezon City.
Upang suportahan ang mga grupo ng kabataan sa buong bansa, ang USAID ay naghahanap umano upang mapanatili at mapalawak ang diskarte at nilalaman nito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa TESDA,na ginamit ang mga lokal at community -based na institusyon ng pagsasanay na ito.