Photo | SPS Alay sa Kabataan Program

Ni Marie F. Fulgarinas

PUERTO PRINCESA CITY, Philippines —Tatlumpu’t isang (31) Technical Vocational Scholars ng programang SPS Alay sa Kabataan- Programang Pang-Edukasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ang nagtapos ng Housekeeping NC II sa Northern Palawan Technological Institute, Inc. nitong nakalipas na Enero 31, 2024.

Binubuo ng dalawampu’t walong (28) mga kababaihan at tatlong (3) mga kalalakihan ang mga indibidwal na nagtapos ng kursong bokasyonal sa bayan ng El Nido.

Ayon sa tanggapan ng Provincial Information, sumailalim sa 55-araw o katumbas ng 436-oras na pagsasanay upang makumpleto ang kurso sa ilalim ng akreditasyon ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

Dagdag pa ng opisina, layunin ng pagkakaloob ng ‘scholarship grant sa mga kabataang Palaweño partikular ang mga Out-of-School Youth (OSY) at walang kakayahang makapag-enroll sa anumang kurso sa kolehiyo’ na matulungan na makapag-aral at makapagsanay para magkaroon ng maayos na hanapbuhay.

Ayon naman kay SPS Alay sa Kabataan Program Manager Maria Victoria B. Baaco, ang mga iskolar na benepisyaryo ng programa ay mula pa sa limang (5) mga barangay ng El Nido kabilang ang Barotuan, Bucana, Villapaz, Teneguiban, at Pasadeña.

Inihayag din Baaco sa panayam ng PIO Palawan na bawat isang iskolar ay pinagkalooban ng programa ng kabuuang halaga na P26,347.00 kung saan nakapaloob dito ang kanilang assessment fee, training cost gayundin ang ipinagkaloob na training support fund na nagkakahalaga ng P160.00 kada araw at may kabuuang halaga na P8,800.00 sa loob ng 55 araw na pagsasanay.

“Pinagkalooban din ang mga ito ng unipormeng polo shirt bilang mga SPS scholar at ng starter kit na magagamit ng mga ito sa pagsisimula ng kanilang hanapbuhay kabilang ang 1 pc bath towel, 2 pcs microfiber cloth/towel, 1 set sewing set, 1 pc pump-up foamer (hand sprayer), 2 pcs non-abrasive scrubbing pad, 10 pcs hair net, 2 pcs sponge, 2 pairs hand gloves, bucket for cleaning materials, detergents, sanitizer, at air freshener,” saad ng opisina.

Dumalo naman sa graduation program na ginanap sa Arkitel Villa-Lounge & Garden ng Brgy. Barotuan si Security Officer at GAD Program Coordinator Raymundo Quicho bilang kinatawan ni Gobernador Victorino Dennis Socrates kung saan hinimok nito ang mga iskolar na gamitin nang maayos ang kanilang mga natutunan at magsumikap upang magkaroon ng matatag na hanapbuhay.

Ang scholarship grant para sa mga nais kumuha ng Technical at Vocational Courses sa ilalim ng Technical and Vocational Institutions na may akreditasyon ng TESDA ay batay sa Provincial Ordinance No. 3164-A series of 2023 o mas kilalang “Prescribing Comprehensive Guidelines Governing the Grant of Education Financial Assistance Under the SPS Alay sa Kabataan Scholarship Program of the Provincial Government to Technical, Vocational and College Students in the Province of Palawan and Appropriating necessary Funding Allocation Therefor”.

Author