Photo Courtesy | Repetek News
Ni Marie F. Fulgarinas
PALAWAN, Philippines — Maglalaan ang Pamahalaang Panlungsod ng humigit-kumulang 90 milyong piso para sa itatayong temporary shelter at mga pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng sunog sa Brgy. Bagong Silang at Brgy. Pagkakaisa, kamakailan.
Ayon kay Budget Officer Regina Cantillo ng Pamahalaang Panlungsod, humigit-kumulang 80 milyong piso ang ilalaan para sa pagpapatayo ng pansamantalang pabahay sa bahagi ng Peneyra Road, Barangay San Pedro.
Sampung milyong piso (P10,000,000.00) naman ang nakalaan sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan gaya ng bayad sa patubig at kuryente sa mga nakatalagang evacuation centers ng mga nasunugan.
Ang pondo ay manggagaling sa trust fund o mga hindi nagastos na disaster fund nang mga nakalipas na taon.
Matatandaang tinupok ng apoy ang kabahayan sa Quito Area nitong Pebrero 7 mula sa dalawang barangay.
Sa tala ng Pamahalaang Panlungsod, nasa 334 pamilya ang apektado ng sunog mula sa Brgy. Bagong Silang habang 347 naman mula sa Brgy. Pagkakaisa.