Photo Courtesy |
Repetek News
TeamPUERTO PRINCESA CITY — Inilunsad nitong araw ng mga puso, Pebrero 14, ang PAD-ibig Diaries na ginanap sa Palawan National School (PNS) na nilahukan ng nasa 400 babaeng mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 10.
Ito ay handog ng Roots of Health na naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Charmee at Black Pencil Manila.
Itinampok sa paglulunsad ng PAD-ibig ang mga interactive na sesyon gaya ng “Chismis o Check” na hinamon ang mga karaniwang maling kuru-kuro tungkol sa sekswalidad kasama ng mga nakakaengganyong laro na nag-aalok ng mga premyo sa mga kalahok na kung saan ay masayang nakipagdiyalogo ang mga mag-aaral ng naturang paaralan.
Pinagkalooban din ang mga mag-aaral ng limited edition na mga menstrual pad na nagtatampok ng masiglang mga entry sa talaarawan tungkol sa anatomy ng babae, pagdadalaga, crush, pati na rin ang mga romantikong relasyon, pagpayag, kasarian, at pagpipigil sa pagbubuntis.
Layon ng nasabing kaganapan na mamulat ang mga kabataan sa tamang desisyon pagdating sa pakikipagrelasyon at maging bukas ang mga ito sa mga diyalogo patungkol sa sex.
Ang PAD-ibig Diaries ay ang brainchild ng Black Pencil Advertising at Roots of Health, isang NGO na nagtatrabaho upang mabawasan ang pagbubuntis ng mga kabataan at HIV rate sa lalawigan ng Palawan.
Nag-donate ang Charmee ng 15,500 menstrual pad na maaaring ma-access ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng isang espesyal na dispenser na nakatalaga sa klinika ng paaralan.
“Our joint goal was to engage Filipino high school girls through private storytelling using an unexpected medium – in this case, menstrual pads”, paliwanag ni Kat Limchoc, executive creative director ng Black Pencil Advertising.
Ayon kay Roots of Health Youth Program Manager na si Aika Pagusara, laganap umano ang paniniwala ng karamihan ukol sa mga alamat gaya ng paglukso-lukso pagkatapos ng sex na pumipigil sa pagbubuntis at ang pag-inom ng sabon na pampaligo na hinubog sa maliliit na kapsula na maaari umanong gamutin ang mga impeksiyon na nakukuha sa pakikipagtalik kaya’t nakakabahala umano ang madaliang pag-access ng mga kabataan sa pakikipagtalik.
“It’s a never-ending process as more batches of teens need accurate information every year. That’s why we love to collaborate on projects that capture the imagination of young people through relatable, non-preachy, and helpful content that urge them to either delay sex or practice safer sex,” dagdag pa niya.
Ang Roots of Health ay nagtuturo ng sex ed sa mga paaralan at komunidad sa nakalipas na 15 taon habang nagbibigay ng libreng non-judgmental reproductive health counseling at mga serbisyo sa pamamagitan ng dalawang klinika at outreach mission.
“Many teenagers who go to our clinic to avail of contraceptives do so after their first child. It’s sad that they only get to know about contraception after they get pregnant. We work to prevent this by normalizing talking about sex and making young people feel safe to learn about it, so they are ready when they actually do it,” pagbabahagi ni Pagusara.
Ayon sa Root of Health, sa kabila ng pagiging konserbatibo na bansa, ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na datos ng pagbubuntis ng mga kabataan sa Southeast Asia.
Inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na isa sa bawat 10 na nanganganak sa bansa noong 2022 ay mga kabataan. Idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang teen pregnancy bilang isang pambansang emergency sa pamamagitan ng isang executive order noong 2021.
Kilala rin ang Pilipinas bilang bansang may pinakamataas na rate ng epidemya ng HIV sa rehiyon ng Asia Pacific. Ang pang-araw-araw na insidente ng HIV ay tumaas ng 411 porsiyento mula 2012 hanggang 2023. Ang pinakahuling magagamit na data ng HIV ay nagpapakita na 32 porsiyento ng mga kaso ay mula sa mga kabataang may edad na 15 hanggang 24. Sa 396 na naiulat na mga kaso ng kabataan, 394 o 99 porsiyento ang nakakuha ng HIV sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
“The situation is dire, that’s why this is just a pilot. We dream of expanding PAD-ibig Diaries across the Philippines and that other schools are also inspired by this approach,” ani Limchoc.
Ayon sa Commission on Population and Development (CPD) – MIMAROPA, sa limang probinsya sa MIMAROPA ang Palawan ang nangungunang may pinakamataas na bilang ng early prenancies na nakapagtala ng 1, 484 na panganganak ng mga inang nasa 10-19 anyos habang nakapagtala naman ng 180 live births ang Lungsod ng Puerto Princesa.