PHOTO//PALAWAN COUNCIL FOR SUSTAINABLE DEVELOPMENT/PCG

Ni Ven Marck Botin

𝘉𝘶𝘸𝘢𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢-𝘵𝘳𝘢𝘱 𝘴𝘢 𝘣𝘢𝘳𝘢𝘯𝘨𝘢𝘺 𝘉𝘢𝘯𝘤𝘢𝘰-𝘉𝘢𝘯𝘤𝘢𝘰, 𝘭𝘶𝘯𝘨𝘴𝘰𝘥 𝘯𝘨 𝘗𝘶𝘦𝘳𝘵𝘰 𝘗𝘳𝘪𝘯𝘤𝘦𝘴𝘢, 𝘯𝘢𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯𝘨𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢 𝘯𝘢 𝘯𝘨 𝘗𝘢𝘭𝘢𝘸𝘢𝘯 𝘞𝘪𝘭𝘥𝘭𝘪𝘧𝘦 𝘙𝘦𝘴𝘤𝘶𝘦 𝘢𝘯𝘥 𝘊𝘰𝘯𝘴𝘦𝘳𝘷𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯 𝘊𝘦𝘯𝘵𝘦𝘳 (𝘗𝘞𝘙𝘊𝘊), 𝘣𝘢𝘵𝘢𝘺 𝘴𝘢 𝘶𝘭𝘢𝘵 𝘯𝘨 𝘗𝘩𝘪𝘭𝘪𝘱𝘱𝘪𝘯𝘦 𝘊𝘰𝘶𝘯𝘤𝘪𝘭 𝘧𝘰𝘳 𝘚𝘶𝘴𝘵𝘢𝘪𝘯𝘢𝘣𝘭𝘦 𝘋𝘦𝘷𝘦𝘭𝘰𝘱𝘮𝘦𝘯𝘵 (𝘗𝘊𝘚𝘋) 𝘯𝘪𝘵𝘰𝘯𝘨 𝘢𝘳𝘢𝘸 𝘯𝘨 𝘉𝘪𝘺𝘦𝘳𝘯𝘦𝘴, 𝘪𝘬𝘢-19 𝘯𝘨 𝘔𝘢𝘺𝘰 2023.

Sa ulat, sinasabing ang naturang buwaya ay isang female sub-adult saltwater crocodile na-trap sa isang baklad na pagmamay-ari ni Julius Rodriguez, residente ng Jacana, Purok Masikap ng nabanggit na barangay.

Dagdag dito, ang buwaya ay may habang 169.6 cm na tinatayang nasa limang (5) taong gulang na ito.

Ayon sa ulat ng PCSDS, matapos makatanggap ng impormasyon ang kanilang Wildlife Rescue team ukol dito, agad na tumungo ang kanilang mga tauhan sa lugar upang rumesponde katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Coast Guard (PCG), at PWRCC.

Anila, batay sa pagsusuri ng kanilang rescue team nitong araw ng Sabado, “maaaring napadaan lamang ang buwaya sa lugar gayong hindi angkop ang lugar upang panirahan nito”.

“Posible rin umanong umalis ito sa pinanggalingan nitong lugar upang makaiwas sa mga kapwa nito gayong ang buwan ng Mayo ay pasok sa kanilang breeding season,” dagdag ng ahensya.

Sa kabilang dako, nananawagan ang pamunuan ng PCSDS na sakaling makakita ng ganitong hayop o anumang uri ng buhay-ilang ay agarang ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan para sa mas mabilis na aksiyon.

Maaaring komuntak sa kanilang mga numero na bilang 0931-964 2128 (Smart) at 0965 662 0248 (Globe).

Author