PALAWAN, Philippines — Pormal nang binuksan ang konstruksiyon ng proyektong Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing o 4PH program at time capsule laying nitong umaga ng Biyernes, Pebrero 16, sa Barangay Irawan, sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon kay Punong Lungsod Lucilo Rodriguez Bayron, ‘bay saving’ at ‘life saving’ ang nabanggit na proyekto dahil magiging daan ito sa pagbibigay ng ligtas at komportableng pabahay para sa mahigit 5,200 pamilyang naninirahan sa coastal areas ng lungsod.
“One of the strategic directions of City Government of Puerto Princesa under the Mega Apuradong Administrasyon is to save the bays of Puerto Princesa — initially, the Puerto Princesa Bay from pollution for the benefit of the future generation.
[R]elocating the 5,200 families na naninirahan sa coastal area sa isang ligtas, komportable, abot-kayang pabahay sa pamamagitan ng 4PH program ni President Bongbong Marcos,” pahayag ng alkalde.
Aniya, sa pamamagitan din ng proyektong ito matitiyak na malinis ang dumadaloy na tubig sa mga baybayin ng lungsod partikular na ang Puerto Princesa Bay.
Pinagdiinan din ni Bayron na mahalagang mailipat ang mga ito at agarang i-reclaim ang mga bakante o “vacated areas upang mapigilan ang papasok na mga bagong maninirahan sa coastal area.”
Kabuuang 47 ‘residential buildings’ na tag-limang palapag o 5-storey building kung saan 120 kwarto bawat gusali ang mailalagay na aabot sa 5,640 yunit ng buong pabahay sa loob ng dalawampu’t dalawang (22) ektaryang lupain sa Barangay Irawan na tatawaging Tandikan Ville.
Ayon kay Bayron, sapat umano para sa mga pamilyang nagsisiksikan o naninirahan sa mga lugar na tinatawag na ‘danger zone’ o mga lugar na delikado bilang tirahan gaya ng mga coastal areas.
Samantala, ninanais din ng kinatawan ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) – MIMAROPA na si Ginoong Louis Frederick Alconsel, OIC Public Housing and Settlements Division, na mas marami pang programang pabahay ang maisakatuparan sa lungsod.
“The 4PH program is a flagship program of our President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. that aims to provide affordable housing to the people of Puerto Princesa City. Once again, congratulations po and we are looking forward to more PH programs here in Puerto Princesa,” pahayag ni Alconsel.
Inihayag naman ni Ginoong Federico Laxa, President/CEO ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), na hindi aabutin ng anim hanggang walong buwan — makikita na ang itatayong mga gusali na maaaring mapaglipatan ng libo-libong pamilyang walang legal na tirahan.
“Madali lang ito kagaya lang ng Davao, mas makikita natin kaagad ang produkto nito within the next few months. Sa amin pong experience mga 6-8 months lang nakatayo na ang ating mga buildings dito, doon sa nakita namin sa experience namin sa Davao City. Sana ‘wag po kayong mainip,” ani Laxa.
Prayoridad ng Pamahalaang Panlungsod na mapagkalooban ng maayos na tirahan ang mga residente ng Brgy. Bagong Silang, Brgy. Pagkakaisa, Brgy. Matahimik, Brgy. Mandaragat at ilan pang coastal barangays sa lungsod ng Puerto Princesa.
Nangako rin ang Pamahalaang Panlungsod na sila ang magbabayad ng unang dalawampu’t apat na buwang (24 months) membership registration ng bawat pamilya upang maging miyembro ng PAG-IBIG Home Development Mutual Fund.
Magbibigay rin ang Pamahalaang Panlungsod ng financial assistance sa paglipat ng mga pamilya sa bagong pabahay ng pamahalaan.
Samantala, dumalo naman sa kaganapan ang mga kawani at opisyal ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), Social Housing Finance Corporation (SHFC), PAG-IBIG Home Development Mutual Fund, Avecs Corporation, Punong Barangay ng mga nasa coastal areas, at ilang mga residente ng Puerto Princesa.