LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Nakipagpulong si Australian Embassy Second Secretary Mr. Jack Williams kay Palawan Council for Sustainable Development and Staff (PCSDS) Executive Director Atty. Teodoro Jose S. Matta nitong Pebrero 20, 2024.
Ayon sa PCSDS, layunin ng pagbisita na talakayin ang mga pagbabago at plano sa hinaharap na may kaugnayan sa Marine Resources Initiative o MRI Project na pinondohan ng Department of Foreign Affairs and Trade (DFAT) ng Gobyerno ng bansang Australia.
Sa pagpupulong, ipinaalam kay Sec. Williams ng PCSDS ang mga kasalukuyang katayuan at aktibidad ng pipeline na mayroong apat na bahagi na ipinatupad sa ilalim ng proyekto ng MRI.
Ang mga bahaging ito ay kinabibilangan ng Marine Spatial Mapping kasama ang Geoscience Australia at ang Unibersidad ng Sydney; pagsubaybay at pamamahala ng Marine Resources kasama ang Australian Institute of Marine Science; pagpapahusay sa tungkulin ng mga Civil Society Organizations sa Timog-silangang asya sa pamamahala ng Yamang-Dagat, Maritime Security, at ang pagpapatupad ng patakaran kasama ang James Cook University; at pagtatatag ng baseline ng marine litter sa Pilipinas kasama ang Commonwealth Scientific and Industrial Research Organization (CSIRO).