LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA —Aprubado na ng Commission on Elections (COMELEC) En Banc para maging service provider sa 2025 automated elections ang joint venture ng South Korean company na Miru System Co. Ltd.
Sa pamamagitan ng unanimous vote sa ginanap na Regular na Sesyon nito noong Pebrero 21, 2024, inaprubahan ng COMELEC en banc ang rekomendasyon ng Special Bids and Awards Committee upang igawad sa joint venture Miru System Co. Ltd. ang nasabing kontrata.
Ayon sa ulat ng People’s Television (PTV), ang kontrata ay nagkakahalaga umano ng P17.9 billion, mas mababa kaysa sa budget ng Comelec na P18.8 billion.
Kasama sa kontrata ang 110,000 automated counting machines, 104,345 ballot boxes, at 2,200 CCS server/laptop at printer.
Kabilang din dito ang pag-print ng 73,851,934 na balota, ballot papers, at ballot verification.
Sa nasabing Regular En Banc Session, nagsagawa ng end-to-end demonstration ang JV ng Miru ng kanilang mga automated counting machine (ACM), consolidation and canvassing system (EMS), at iba pa na kung saan ay sinaksihan ito at nagawa ring bumoto ng mga miyembro ng komisyon at mga nakatataas na opisyal nito at iba pang personalidad gaya ng mga stakeholders at Media.
Matatandaang noong Pebrero 7, 2024 ang MIRU-ICS-STCC-CPSTI Joint venture ay idineklara na Post-Qualified ng SBAC matapos itong dumaan sa mahirap na proseso ng Post-Qualification Evaluation na isinagawa ng TWG kung saan ang lahat ng mga dokumento sa pagiging karapat-dapat, kabilang ang mga sample at prototype ng nasabing bidder ay nasuri, napatunayan at inalam ng husto.
Ayon sa COMELEC, ang pagpapalabas o pagpapakita ng naturang demonstration ay pagtiyak na ang proseso ay magiging transparent, accountable at inclusive.