LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Tinatayang nasa siyamnaraan at sampunlibong pisong (P910,000.00) halaga ng abandonadong smuggled cigarettes ang nasamsam ng mga awtoridad sa Sitio Agro, Brgy. Marangas, Bataraza, Palawan, nitong ika-23 ng Pebrero 2024.
Batay sa ulat ng Coast Guard Station Southern Palawan (CGSSP), nakatanggap umano sila ng sumbong mula sa isang impormante kaya’t agad silang nakipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para magsagawa ng special operation hinggil dito.
Lumalabas sa imbestigasyon na aabot sa 65 Master Cases na puno ng mga ipinagbabawal na sigarilyo ang nilalaman ng naturang mga kontrabando na nasa loob ng maliit na bodega na matatagpuan sa baybayin ng nasabing lugar.
Samantala, dinala na sa CGSSP ang naturang mga kontrabando na sasailalim sa inspeksyon, inventory at profiling bago ito i-turn over sa Bureau of Customs o BOC para sa kaukulang disposisyon ng mga ito.
Kamakailan lang, sunod-sunod ang pagkakahuli ng mga iligal na kontrabando sa Southern Palawan.
Ayon sa mga awtoridad, mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pagpasok ng mga iligal na kontrabando o mga walang kaukulang packages mula sa labas o loob ng bansa.