LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Nagsagawa ng isang humanitarian mission ang Naval Reserve Command (NAVRESCOM) kasama ang iba pang stakeholders mula sa Maynila sa isla ng Pag-asa, Palawan, nitong Pebrero 25, 2024.
Ang misyon ay pinamunuan ni Captain Norman Biola PN (MNSA) (RES),Commander of Naval Forces Reserve (NRC) ng National Capital Region (NCR) na siyang itinalaga ni Major General Joseph Ferrous Cuison.
Ayon sa WESCOM, layon umano ng community outreach program na ito na magbigay suporta sa lokal na komunidad ng nasabing isla.
Ang mga grupo na kinabibilangan ng NRC NCR, Junior Chamber International (JCI)-Manila, Cebuana Lhuillier, at ang 1st AFP Affiliated Medical Reserve Center (1AFPAMRC), ay nag-donate ng mga generator, laptop, water filtration system, office at school supplies, mga gamot, at pagkain upang matugunan ang mga agarang pangangailangan ng mga sundalo at residente sa Munisipyo ng Kalayaan.
Kabilang sa mga naging benepisyaryo ng naturang mga donasyon ay ang Health Center ng munisipyo, Pag-asa Elementary School, mga tropa ng Naval Station Emilio Liwanag (NSEL), at Joint Task Unit (JTU) Pag-asa.
Bukod sa Pag-asa, pinagkalooban din ng generators ang mga istasyon sa Panata at Patag island sa West Philippines Sea (WPS).
“It is truly encouraging to see more and more of our countrymen standing in solidarity with our efforts to safeguard our territory and uphold our sovereignty and sovereign rights in the WPS,”ani WESCOM Chief, Vice Admiral Alberto Carlos na nagpapasalamat sa buong contingent sa kanilang bukas-palad na kontribusyon.
Simula noong nakaraang taon ay nasaksihan ng WESCOM ang nakasisiglang pagsulong ng suporta mula sa kapwa Pilipino para sa WPS.
Samantala, ang nasabing aktibidad na ito ay naghangad din umano ng siyasatin ang pag-unlad sa hinaharap para sa munisipyo ng Kalayaan na nagpapakita ng pangako sa kagalingan at napapanatiling pag-unlad ng Pag-asa Island at iba pang mga isla na pagmamay-ari ng bansa sa WPS.