LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA —Dumalo bilang kinatawan ni Gob. Victorino Dennis M. Socrates si Executive Assistant III Christian Albert Sabando Miguel ng Office of the Governor sa pamamahagi ng social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kwalipikadong senior citizens nitong Pebrero 26 na ginanap sa Brgy. Sta. Teresita, Dumaran, Palawan.
Sa pangunguna ni SWADT Team Leader Eric P. Aborot, aabot sa kabuuang 450 senior citizens ang napagkalooban ng tag-anim na libong pisong (P6,000.00) social pension na mula pa sa mga barangay ng Sta. Teresita at Danleg sa naturang bayan.
Ayon sa PIO Palawan, ang halagang natanggap ng naturang mga benepisyaryo ay para umano sa buwan ng Enero hanggang Hunyo 2024 na nadagdagan ng P1,000.00 kada buwan matapos itong itaas.
Sa kabilang banda ay pinasalamatan ni Gob. Socrates sa pamamagitan ni Miguel ang nasabing ahensya sa pagbibigay prayoridad nito para sa mga senior citizen sa buong lalawigan.
“Kami sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ay lubos na nagpapasalamat sapagkat nabibigyang halaga ang ating mga senior citizens na ilang taon ding naglaan ng lakas at dedikasyon upang mapaglingkuran ang ating bayan.
Nararapat lamang po na tayo ay magkaroon ng ganitong programa upang maipakita natin ang ating pasasalamat at pagbibigay halaga sa kanilang mga sakripisyo….
Ang inyong social pension ay hindi lamang isang ayuda kundi pagkilala sa inyong kontribusyon sa ating lipunan. Sa ating mga minamahal na senior citizens, saludo po kami sa inyong lahat,” ani Miguel.
Ipinaliwanag naman ni Aborot sa mga benepisyaryo na ang pagkakaloob ng social pension sa mga nakatatanda ay upang makapagbigay ng karagdagang tulong pinansiyal bilang tugon sa tumataas na presyo ng bilihin gaya ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangang medikal ng mga ito.
Nagpapasalamat din si Aborot sa suporta ni Gob. Socrates para sa mga senior citizen sa lalawigan sa pamamagitan ng pagbalangkas ng lokal na programa para sa mga ito.
Ang Pamahalaang Panlalawigan ay mayroong programa na nagkakaloob ng social pension para sa mga senior citizen sa lalawigan na hindi kasama sa listahan ng DSWD sa pamamagitan ng Local Social Pension Program for Indigent Senior Citizens sa ilalalim ng PSWDO.
“Nandiyan din po ang PSWDO, ‘yong hindi po masasakop muna ng DSWD, may programa din po ang ating Provincial Government through our beloved Governor Socrates, mayroon din po silang social pension program. ‘Yong hindi pa po nakapasok sa DSWD ay sinasakop po ng ating PSWDO,” ani Aborot.
Ang bayan ng Dumaran ay mayroon umanong kabuuang 1,082 na bilang ng senior citizens mula sa 16 na mga barangay kung saan nauna nang nagkaroon ng kahalintulad na programa ang DSWD sa ibang mga barangay upang maipamahagi ang naturang buwanang pensiyon.
“Maraming maraming salamat po sa ating gobernador at sa lahat nang nagtulong-tulong para makatanggap kami ng P1,000 [social pension] na ngayon. Napakalaking tulong po sa amin, gaya ko na hindi na kayang maghanapbuhay, hindi lamang sa akin kundi sa lahat ng mga senior at mas mahina pa sa akin. Napakalaking tulong po ito sa amin, kung walang isang libo kada buwan, ewan ko lang kung saan kami kukuha nito buwan-buwan,” ayon kay G. Edilberto A. Garcia, President ng Senior citizen ng Brgy. Danleg.