PUERTO PRINCESA CITY — ‘Donated’ ang mga nakumpiskang reef-fish-for-food o RFFs sa non-government organizations (NGOs) ng Lualhati Women Center at Bahay Pag-Asa Youth Center nitong Biyernes, Marso 1, 2024, ayon sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS).
Ang nasabing donasyon ay inisyatiba ng lokal na ahensya katuwang ang Peace and Order Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Dagdag dito, ang mga nabanggit na isda ay nakumpiska sa mga outbound passengers ng Puerto Princesa City International Airport nitong Pebrero 25.
Alinsunod sa kautusan ng PCSD Bilang 5 at Administrative Order No. 12, ang panghuhuli, pangangalaga, pagbebenta o pag-transport, at pag-export ng anumang uri ng reef-fish-for-food ng walang anumang kaukulang dokumento ay ipinagbabawal sa ilalim ng batas na nakasaad sa Republic Act 9147.
Ang tanggapan ng PCSDS ay nakikipagtulungan sa iba’t isang rescue, rehabilitation, at foster home sa Puerto Princesa at Palawan upang maging donee ng RFF confiscations, alinsunod sa seksyon 28.3 ng Joint DENR-DA-PCSD Administrative Order No. 01 na nagbibigay sa lokal na ahensya ng awtoridad na mag-donate ng mga nasamsam na species na angkop para sa pagkain ng tao sa ilalim ng pangangalaga ng mga non-profit, charitable, o penal na institusyon sa lalawigan.