LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Isang Palawan Pangolin o Manis Culionensis ang matagumpay na nailigtas nitong Pebrero 27 sa bayan ng Rizal, Palawan.
Ayon sa ulat ng Palawan Council for Sustainable Development, isang concerned citizen na nagngangalang Frelanie Catriz ang nakadiskubre sa pangolin sa tabing-kalsada ng Purok Salongsong, Barangay Iraan, noong gabi ng ika-26 ng kaparehong buwan.
Batid umano ni Catriz na ang nasabing buhay-ilang ay nangangailangan ng agarang tulong dahil sa wala umano itong kabilang hulihang binti kaya’t agad niya ipinagbigay-alam sa mga kawani ng PCSDS DMD South upang matiyak ang ligtas na pagkuha at wastong pangangalaga ng pangolin.
Ang Palawan Pangolin ay isang endemic species sa Palawan at itinalaga bilang “Critically Endangered” sa ilalim ng PCSD Resolution No. 23-967 (unpublished), na may karagdagang proteksyon sa ilalim ng Appendix I ng CITES.
Ayon sa kautusan, kinakailangang pangalagaan ang mga buhay-ilang na ito upang mapanatili ang ekolohiya ng mundo at mapanatili ang biodiversity.