PUERTO PRINCESA CITY — Ganap nang nag-umpisa nitong Miyerkoles, Marso 6, ang “Baratilyo ni Juana sa Kapitolyo” na handog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na ginanap sa Centennial Pavilion.
Mabibili rito ang iba’t ibang mga kasuotan, pre-loved items, pagkain at ilang mga kagamitan na maaaring mabili hindi lamang ng mga taga kapitolyo kundi gayundin sa mga nagnanais na tangkilikin ang mga nabanggit na produkto.
Ayon sa Provicial Information Office Palawam, ang nasabing aktibidad ay bahagi umano ng pagdiriwang ng National Women’s Month na kung saan ay makikitang aktibong nakikibahagi ang mga kababaihang kawani ng Pamahalaang Panlalawigan pati na rin ang ilang indibidwal mula sa labas ng kapitolyo na nais bumili ng iba’t ibang paninda sa baratilyo.
Nais ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates na mabigyan ng pagkakataon ang mga kababaihang lingkod bayan na magkaroon ng karagdagang kita sa pamamagitan ng nasabing aktibidad at mahasa pa ang kanilang entrepreneurial skill.
Ang Baratilyo ni Juana ay isasagawa umano tuwing sasapit ang araw ng Miyerkoles sa buong buwan ng Marso.
Magkakaroon din ng programa hinggil sa International Women’s Day sa darating na Marso 8.