PUERTO PRINCESA CITY — Apatnapu’t pitong (47) mga indibidwal ang nabigyan ng libreng payong legal ng Provincial Legal Extension Services Program (PLESP) na ginanap sa Tinintinan Gym, Brgy. Tinintinan, Araceli, Palawan nitong Marso 21, 2024.
Pinangunahan ito ni Provincial Legal Officer Atty. Joshua Bolusa kasama ang ilang abogado mula sa Provincial Legal Office na sina Atty. III Gellian Grace Baaco, Executive Assistant V Atty. Christine N. Aribon at iba pa katuwang ang DILG-Araceli.
Ayon sa ulat, ang naturang aktibidad ay bahagi umano ng PLESP ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates.
Ilan sa mga idinulog na problema ng mga residente sa nasabing lugar ay ukol sa
real estate property, violence against women and their children (VAWC), child support, birth certificate, at Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) laws.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng seminar at oryentasyon para sa mga Lupong Tagapamayapa at Brgy. Officials na ginanap nitong Marso 20, 2024 na dinaluhan ng 143 partisipante kung saan tinalakay ang mga paksa patungkol sa Katarungang Pambarangay, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials; Anti-graft and Corrupt Practices Act o RA 3019; Anti-Violence Against Women and their Children Act (VAWC) o RA 9262; RA 11313 Safe Spaces Act at An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage o RA 11596.