PUERTO PRINCESA CITY — OPISYAL nang ipinagkaloob ng Department of Tourism (DOT) sa munisipyo ng Roxas, Palawan, ang proyektong Tourism Rest Area o TRA sa isinagawang turnover ceremony na isinagawa nitong araw ng Biyernes, Abril 12, 2024.
Ito ay personal na dinaluhan nina DOT Secretary Christina Garcia Frasco, Assistant Secretary Gissela Marie R. Quisumbing, DOT Mimaropa OIC Director Roberto P. Alabado lll, Representative of Speaker’s Legislative Caretaker Jose Fernando Escalante, Provincial Board Member Rosseler Pineda ng 1st District of Palawan, Roxas Mayor Dennis M. Sabando, at iba pang municipal mayors at mga lokal na opisyales ng pamahalaan.
Sa welcome message ni Asec. Quisumbing, ang Tourism Rest Area ay isang lugar pahingahan ng mga local at international tourists na bumibiyahe sa iba’t ibang destinasyon sa bahaging norte ng Palawan.
Ang tourism facility na ito ay mayroong lounge area, mobile charging station, rest rooms, information center at pasalubong center kung saan tampok ang lokal na produkto ng Roxas tulad ng mga produktong gawa sa kasuy.
“It is our commitment to provide local and international travelers away not just essential services and facilities but also to ensure that every travelers journey will be seamless and convenient.
We have ideally crafted the TRA to caters they’re needs — offering restrooms facilities, mobile charging stations and ample space to stretch your legs in order to continue their travels,”ani Asec. Quisumbing.
Ayon naman kay Roxas Mayor Dennis M. Sabando, sa loob ng mahabang panahon, tahimik ang turismo ng bayan ng Roxas dahil ito ay nakatuon sa pagpapalago ng imprastraktura at agrikultura na siyang pangunahing kabuhayan sa lugar ngunit hindi aniya sinasara ang kanilang munisipyo sa iba pang aspeto na makatutulong mas paunlarin ang kanilang bayan.
“Sa araw na ito, ang pagturnover ng TRA–, ang aming magiging ‘starting mark’ para pasiglahin ang mga natutulog at tahimik na potensyal ng aming bayan sa turismo,” ayon sa Alkalde.
Nagpahayag naman ng suporta sa mga proyekto ng DOT ang tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez, siyang tagapamahala ng una at ikatlong distrito ng Palawan.
Sa mensahe naman ni DOT Secretary Frasco, binigyang-diin ng kalihim na napakaimportante ng proyektong TRA para mas palakasin ang turismo ng Roxas at maging mga kalapit nitong munisipyo.
Dagdag pa rito, ang direktiba ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. sa Kagawaran ng Turismo na dapat magkaroon ng magandang impresyon ang mga turista sa Pilipinas nang sa gayon ito ay babalik at bibisita muli sa bansa at sa pamamagitan nito masisiguro ang patuloy na pagbibigay ng kabuhayan at trabaho sa mga Pilipino.
“Tingin po natin nakapaimportante ng project na ito para maboost further yung tourism potential ng Roxas at neighboring municipalities in the province of Palawan because that is what TRA does.
It sends a message to our tourist na mahal natin sila, nasa isip natin ‘yung comfort at convenience nila at nais natin na yung journey nila across the beautiful island of Palawan is comfortable, memorable and of course kapag naiihi sila dapat may magandang comfort room,” ayon kay Sec. Frasco.
Ayon pa sa Kalihim, batay sa isinagawang survey ng DOT, nangungunang concern ng mga turista na umiikot sa Pilipinas ang kawalan ng comfort rooms.
Ang TRA sa bayan ng Roxas ay matatagpuan sa Barangay San Nicolas. Ang proyektong ito ay nagkakahalaga ng pitong milyong piso.
Ito ay flagship project ng Department of Tourism (DOT) katuwang ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA.