PUERTO PRINCESA CITY, Philippines — ‘HIS BRAND OF LEADERSHIP’, ito ang naging tugon ng Malacañang nang mapabilang si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa listahan ng 100 Most Influential People of 2024 ng TIME Magazine.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang pagkasama ni Pangulong BongBong sa nasabing listahan ay sinasalamin nito ang tatak ng kanyang pamumuno na kung saan binibigyang prayoridad ang kapakanan ng mga Pilipino at ng bansa.
Ito ang pahayag ng palasyo matapos na puriin ng TIME Magazine ang pagsusulong ni Marcos na maiangat muli ang Pilipinas sa buong mundo gayundin ang ginagawang aksyon patungkol sa panghihimasok at pag-aangkin ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Iginiit din ng PCO ang muling paglago ng ekonomiya ng bansa.
“Despite geopolitical tensions and the hurdles posed by the COVID-19 pandemic, President Marcos has elevated the Philippines on the world stage and contributed to regional stability, notably in the Indo-Pacific region.”
Dagdag pa dito, patuloy na isinusulong ni Marcos ang kapayapaan at pag-unlad ng bansa base sa kanyang adhikain ng Bagong Pilipinas.
Samantala, tinuran naman sa nasabing publikasyon ang kagustuhan ng Pangulo na maibangon muli ang kanilang pangalan gayon din ang adhikain ng pagbabago sa bansa.