PALAWAN, PHILIPPINES – ISANG Pilipinong mangingisda ang nasagip sa karagatang sakop ng West Philippine Sea (WPS) nitong Mayo 4, 2024.
Ayon sa ulat ng Naval Forces West (NFW), isang Vietnamese Fishing Vessel umano ang sumagip sa mangingisdang si Allan Maglangit, isang boat crew ng isang kumpanya na naka-base sa Cebu.
Labinwalong (18) oras umanong lumalangoy sa karagatan si Manlangit habang nakakapit sa isang lumulutang na boya bago ito nailigtas ng Vietnamese Fishing Vessel na agad naman siyang tinulungan at nagbigay ng mga kinakailangang tulong bago siya itinurn-over sa Vietnamese Fisheries Surveillance Ship na nakipag-ugnayan sa mga tauhan ng BRP ANDRES BONIFACIO (PS17) na nagkataong nagsasagawa ng Maritime and Sovereignty Patrol sa lugar ng mga panahong iyon.
Agad namang binigyan ng agarang tulong sa pamamagitan ng isang medical check-up at debriefing si Manlangit pagkarating niya sa Lungsod ng Puerto Princesa matapos ma-sealift ng PS17 nitong Mayo 8.
Matagumpay at ligtas siyang nai-turn-over kay Mr Crispin Sapit Jr, ang General Manager ng Fishland King United Corp, na lumipad mula Cebu patungong Puerto Princesa City, upang tulungan at samahan si Maglangit pabalik ng Cebu.
Samantala pinuri ng NFW ang mga tripulante ng Vietnamese Fishing Vessel para sa kanilang makataong pagkilos sa pagligtas sa isang mangingisdang Pinoy.
Ang Western Command, sa pamamagitan ng Naval Forces West, ay patuloy na gagampanan ang mandato nito na protektahan ang Soberanya ng Pilipinas, integridad ng teritoryo at itaguyod ang mga karapatan ng soberanya ng sambayanang Pilipino.