Mainit ang naging pagtanggap ng mga residente ng munisipyo ng Kalayaan kay Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., at Sen. Joel Villanueva nitong araw ng Huwebes, Mayo 16.
Ang Senador ay bumisita sa Pag-Asa Island, Kalayaan, para dumalo sa groundbreaking ng mga proyektong Super Rural Health Unit at Philippine Navy Barracks na itatayo sa lugar.
Batay sa impormasyon mula sa Official Facebook Page ni Sen. Zubiri, ang Super Rural Health Unit ay lalagyan ng basic laboratory facilities at birthing unit.
Ang proyektong Barracks naman ay para sa mga Philippine Navy personnel na naka-assign sa Kalayaan.
“Hakbang natin ito para makatulong sa pag-asenso sa Pag-Asa at para patunayan na hindi natin nakakalimutan ang mga kababayan natin dito,” ayon sa Senador.
Dagdag pa nito, isinulong niya na maisama sa 2024 national budget ang mga nabanggit na proyekto dahil naniniwala ito na “ang investment sa imprastraktura sa Pag-Asa ay investment rin para sa seguridad ng West Philippine Sea (WPS)”.